Translate

Sunday, July 3, 2011

(CCT ni P-noy, walang epekto sa pagpuksa ng kahirapan) Huling SWS Survey sa kagutuman, kaduda-dada--grupo

PRESS RELEASE I July 03, 2011

Nadismaya ang Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa lumabas na pinakabago at kaduda-dudang sarbey ng SWS hinggil sa pagbaba ng tantos sa kagutuman sa ikalawang kwarto ng taon dahil sa kawalan ng sapat na kondisyon para magtulak nito. “Tiyak na gagamitin lang ni P-noy ang bagong datos ng kagutuman para sa kanyang nalalapit na SONA,”dagdag ng militanteng grupo.

Ayon kay Leona Zasuela, pambansang tagapangulo ng Kadamay, “walang dahilan upang maibsan ang kagutuman ng mamamayan sa loob ng maikling panahon mula ng umabot ito sa napakataas na tantos sa unang kwarto ng taon sa kabila ng patuloy na pagsirit ng presyo ng bilihin, kawalan ng makabuluhang na dagdag-sahod.

Kaduda rin diumano’y ang mga nalikhang bagong trabaho ng gubyerno, at kung nakasasapat ba ang sahod ng mangangawa mula sa mga ito.

“Hindi pa matapatan ng P22 na dagdag-sahod na binigay ni P-noy sa mga manggagawa ang napakataas na inflation rate o pagtaas ng presyo ng bilihin. P917 ayon mismo sa gubyerno ang arawang pangangilangan ng isang pamilya Pilipino, at wala pa sa kalahati nito ang minimum na sahod.”

“Hindi rin sasapat ang P1400 kada buwan na subsidya sa napakaliit na porsyento ng mahihirap ang pinaaasa sa kakarampot na limos,” dagdag ni Zarsuela. “Samantalang nagmula sa Visayas at Mindanao ang kalakhan sa 400,000 benificiary ng Conditional Cash Tranfers (CCTs), kapansin-pansin na sa mga rehiyon ding ito naitala ang signipikanteng pagtaas ng tantos ng kagutuman mula sa mas mababang tantos noong unang kwarto kumpara sa Luzon.”

Ayon sa Ibon Foundation, ang CCT ay isa lamang paraan ng gubyerno para makalikom ng pondo ang gubyerno mula sa pribadong sektor at imperyalistang mga bayan para kunwa’y ilimos sa mga maralitang Pilipino. Isang paraan din ito ng mga imperyalista para apulain ang epekto sa mamamayan ng mga mapagsamantalang neoliberal na mga patakaran.

“Matagal na kaming nananawagan para sa tunay na reporma sa lupa, at paglaya mula sa dominasyon ng dayuhan sa ating ekonomiya para makalikha ng pambansang industriyalisasyon at laksa-laksang trabaho para sa mahihirap. Ito lang ang tanging paraan para maiahon ang milyun-milyong nating kababayan mula sa laganap na kagutuman at lumalalang kahirapan,” pagtatapos ni Zarsuela. #

Reference: Carlito Badion, Kadamay National Vice Chair (0939.387.3736)

No comments:

Post a Comment