Translate

Friday, July 8, 2011

(Sa pagbawi ng lupa sa mga magsasaka ng Hacienda Luisita) Inutil si Aquino sa pagsugpo sa lumalalang kagutuman

PRESS STATEMENT I July 8, 2011

Kinukondena ng Kadamay ang kawalang-hustisyang ginagawa ng kasalukuyang rehimen sa mga kapatid nating magsasaka at manggawang-bukid ng Hacienda Luisita. “Land grabber” ang pamilya Cojuangco gamit ang nakatataas na hukuman sa pagbawi nito sa mga lupaing nauna nang naipamahagi sa mga magsasaka at manggagawang-bukid ng Hacienda Luisita. Ginagamit pa ng kasalukuyang rehimen ang mga taktika ng Stock Distribution Option at referendum, upang muling angkinin ang kapirasong lupang nauna nang naipamahagi sa panahon ni Arroyo.

Inutil si Aquino sa pagsugpo sa lumalalang kagutuman sa hanay ng mamamayan gayong ipinagkakait niya sa mga magsasaka ang lupang kailangan nila para kumain. Ang kawalan ng lupang sakahan at ang patuloy na pangangamkam ng lupa ng mga despotiko at makasariling pamilya ng mga panginoong maylupa kabilang na ang mga Cojuangco ang dahilan kung bakit lumalala ang kagutuman at kahirapan ang bansa.

Sa kanayunan, lupa at hindi mga kakarampot na limos gaya ng CCT ang solusyon para maibsan ang lumalalang kagutuman. Sa kanayunan nagaganap ang pinakamalalalang atake ng mga panginoong maylupa sa kabuhayan ng mga maralitang magsasaka at manggagawang-bukid. Ang landgrabbing, para sa mga plantasyon, minahan at pagpapalawak ng mga hacienda ng mga panginoong maylupa ang pangunahing nagpapahirap sa mga magsasaka. Dagdag pa dito ang hindi makataong sistemang sahuran ng mga haciendero gaya ng dinanas ng mga manggagawang-bukid ng Central Azucarera de Tarlac na P9.50 sa isang linggo.

Sa pagpapatuloy ni Aquino sa mga kontra-magsasaka niyang hakbang, patuloy ding lalala ang kagutuman ng milyong magsasaka sa bansa. Ang pagtalikod ni Aquino sa matagal ng panawagan ng mamamayan para sa tunay na reporma sa lupa ay magdudulot ng milyun-milyong pang mga magsasaka na tutungo sa lungsod upang maghanap ng ikabubuhay. Higit na dadami ang bilang ng maralitang lungsod sa pag-iwas ni Aquino na ipatupad ang tunay na reporma sa lupa. Magpapatuloy ang urban migration dahil sa kawalan ng lupang sinasaka sa kanayunan sa ganitong patakaran ng administrasyong Aquino.

Kagaya ng mga naunang pinuno ng bansa, inutil si Aquino sa pagsagot sa tunay na ugat ng problema ng mamamayan. Kung seryoso si Aquino na maibsan ang malawak na kagutumang dinaanas ng milyun-milyong Pilipino, simulan niyang ipamahagi ang mga lupang kinamkam ng kanyang angkan sa mga magsasaka at manggagawang-bukid ng Hacienda Luisita. Ipatupad niya sa kanyang panunungkulan ang tunay na programa ng reporma sa lupa na magiging tuntungan sa pagtatayo ng lokal na ekonomiya sa pamamagitan ng pambansang industriyalisasyon. Ito ang magpapalaya sa mga magsasaka at maralita sa matinding kahirapan.

Reference: Leleng Zarsuela, Kadamay National Chairperson (09126490392)

No comments:

Post a Comment