Translate

Friday, October 14, 2011

LABANAN ANG SALOT SA MARALITANG PUBLIC-PRIVATE PARTNERSHIP (PPP) NI AQUINO!

STATEMENT l 14 October 2011

Walang maasahan ang mga maralita at mamamayan sa pinangangalandakang kaunlarang hatid ng mga proyektong Public-Private Partnership (PPP) ni Aquino. Tanging mga dayuhan at mga malalaking lokal na negosyante ang makikinabang sa mga proyektong saklaw ng programang PPP. Hatid din nito ang higit na pagdurusang hatid ng PPP sa mga maralita--libu-libong mamamayan ang nakaambang mapalayas sa mga komunidad at sa mga lupang sakahang kinakamkam ng mga negosyante katuwang mismo ang pamahalaan, at kasabay pa nito ang pinapaliit na badyet hanggang sa ipasa na sa mga pribadong kumpanya ang pagbibigay ng mga batayang serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon, pagkalusugan at pabahay.

Tampok na kaso ang pagtataboy sa maralita at pakikipagsabwatan ng pamahalaan sa pamilyang Ayala para bigyang-daan ang Quezon City Central Business District. Samantalang kinakamkam ng National Housing Authority ang lupain sa North Triangle, lumagda na ang naturang ahensiya ng kontrata sa Ayala Land, Inc para idebelop ang lugar. Wala sa plano kung paano makikinabang sa QCCBD at bubuti ang kalagayan ng hindi bababa sa 24,000 maralitang pamilyang orihinal na nakatira at palalayasin sa komunidad.

Isa lamang ang San Roque sa North Triangle at mga karatig nitong komunidad sa mga kumakaharap sa mga banta ng demolisyon sa pagpanig ng gubyerno sa interes ng mga negosyante at dayuhan. Sa paglalaan ng P10-B pondong administrasyong Aquino na bahagi ng P72-B ‘stimulus package,’ mapapadali ang pagwalis sa hindi bababa sa 106,000 pamilyang nakatira sa mga danger zone at sa kalakhan ng mga maralitang lungsod sa Kamaynilaan na hindi bababa sa kalahating milyong pamilya nakatira sa mga komunidad at diumano’y sagka sa kaunlaran.

Sa balangkas ng PPP, itatayo ang mga imprastratura, mga gusali, daanan at tulay para magbigay ng kumpiyansa sa mga dayuhan na magnegosyo sa bansa, habang palalayasin naman ang mga tumatayong sagabal dito.

Ngunit napatunayan na sa karanasan na sa halip na bumuti ang kalagayan ng mga maralitang Pilipino, higit pa silang nababaon sa utang sapagkat pera ng taumbayan naman ang gagastos sa mga proyektong ito para kumita ang mga negosyante. Higit ding pinagsasamantalahan ng mga negosyante ang mga manggagawang Pilipino upang magkamal ng limpak-limpak na tubo.

Kaparehas sa kalbaryo ng mga maralita sa lungsod ang pangangamkam sa lupa na dinaranas ng mga magsasaka sa kanayunan. Tumutindi ang sabwatan ng mga panginoong maylupa at malalakihang lokal at dayuhang negosyante para palayasin ang mga magsasaka mula sa kanilang mga lupang sinasaka. Kagaya ng demolisyon sa mga sentrong lungsod, kaliwa’t kanan din ang ginagawang atake sa mga magsasaka para bigyang daan ang mga plantasyon, minahan at iba pang proyektong magsisilbi sa mga negosyante.

Ngunit, katulad din ng mga matatag na barikada sa kanayunan, patuloy ang pakikibaka ng mga maralitang magsasaka para tapatan ang dahas ng mga nangangamkam sa kanilang lupain na katuwang ang militar at ang estado.

Kung uugatin pa natin, ang kawalan ng lupang sakahan sa kanayunan na mapagkukunan ng kabuhayan ang siya ring dahilan kung bakit bawat taon ay lumalaki ang bilang ng mga maralita sa lungsod upang magbaka-sakaling makahanap ng mapagkakakitaan. Nanatiling inutil naman ang mga programa kontra-kahirapan ng pamahalaan para ibsan ang labis na kahirapang ating dinaranas. Kabilang na dito ang programang CCT o 4Ps na salip sa regular na trabaho ay limos ang binibigay sa mga pinakamahihirap nating kabababayan, at nagsisilbi lamang itong gatasan ng mga buwaya sa gubyerno.

Malinaw na iisa ang kaaway ng uring magsasaka at ng sektor ng maralitang-lungsod. Kung kaya’t malinaw din na ang pagpapabagsak sa pyudal lipunan na pinaghaharian ng uring panginoong maylupa at burgesya-komprador (malalaking negosyante) ang pangunahing solusyon sa kahirapang dinaranas ng higit na nakararaming maralita.

Kung lahat tayo ay kikilos at sama-samang itatakwil ang bulok na gubryernong nagpapanatili sa ganitong pagsasamantala na pinangungunahan ng hacienderong nakaluklok sa Malacanang na si Noynoy Aquino, hindi imposibleng sa kalauna’y maitutumba natin ang mga nagsasamantala sa atin, at mapapatid ang tanikala ng kahirapang henerasyon nang nakagapos sa masang anakpawis.

Tapatan ang pandarahas at panunupil ng estado sa hanay ng lumalabang mamamayan! Itirik ang baridang-bayan sa mga komunidad ng maralita!

Ipaglaban ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon na siyang tanging sagot sa kahirapan!

Makipagkapit-bisig sa mga magsasaka sa pagdaluyong sa lansangan upang itakwil ang rehimeng US-Aquino!

Lumahok sa Martsa ng Magsasaka patungong Mendiola sa Oktubre 21, 830am, kitaan sa Morayta!


Hinihikayat ang lahat ng maralita na lumahok sa kampuhan ng maralita sa DAR (Okt17), Korte Suprema(Okt18) at Mendiola (Okt19-21).

No comments:

Post a Comment