PRESS RELEASE l 30 November 2011
ALYANSA KONTRA DEMOLISYON
Reference: Carlito Badion, AKD lead convenor (09393873736)
QUEZON CITY—Nagmartsa patungong Mendiola ngayong umaga ang grupong Alyansa Kontra Demolisyon (AKD) sa pangunguna ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay sa lahat ng mga maralita na planong palayasin ng pamahalaan sa kani-kanilang mga komunidad sa Metro Manila. Nanawagan sila sa pangulo para ipatupad ang isang pambansang tigil-demolisyon.
Binubuo sila ng iba’t-ibang samahan ng maralita na may mga banta ng demolisyon dahil sa mga proyektong pangkaunlaran ng administrasyon Aquino sa ilalim ng programang Public-Private Partnership. Nanawagan ang grupo ng hustisya para mga biktima ng demolisyon sa boung bansa at hindi makataong pagtrato ng pamahalaan sa mga maralita.
“Nakakapanlumo ang kawalang-aksyon ng pambansang pamahalaan sa mga nagaganap na demolisyon ng mga kabahayan ng mga maralitang lungsod,” ayon kay Carlito Badion, convenor ng AKD. “Kami na nga ang naghihirap at walang makain, kami pa ang tinatanggalan ng tirahan ng gubryerno.”
Trabaho, hindi demolisyon sa Araw ni Bonifacio
Daan-daang maralita ang biktima ng kaliwa’t-kanang demolisyon patungo sa Mendiola dahil diumano sa mga makadayuhang programang pangkaunlaran ng administrasyong Aquino. Ang panawagan ng grupo: Kabuhayan, trabaho, dagdag-sahod, hindi pantawid gutom at demolisyon!
Sasanib ang grupo sa manggagawa na magsasagawa rin ng isang malaking pagkilos para sa makabuluhang dagdag-sahod at trabaho.Tinawag nilang Araw ng Anakpawis ang araw ng kapanganakan ng rebolusyonaryong si Gat Andres Bonifacio na isa ring manggagawa at maralita.
“Hindi na namin maaring palampasin pa ang ginagawang malalang pambubusabos ng administrasyong Aquino sa mga maralita. Sa Pilipinas, hindi tao ang trato ng pamahalaan sa mga maralita kundi mga hayop, at basura na itinatapon sa malalayong lugar para sa interes ng negosyo at dayuhan,” dagdag ni Badion.
Sabwatang Aquino-malalaking negosyante
“Ang kawalang aksyon ng Malacanang sa nagaganap na mga demolisyon ay nangangahulugan ng tahasang pakiipagsabwatan ni PNoy sa mga malalaking negosyante na tanging makikinabang sa mga proyeko ng pamahalaan. Kung tunay siyang nagsisilbi sa mamamayan, kaagad niyang ipahinto ang lahat ng mga nakaambang demolisyon ng mga komunidad sa buong bansa. Kailangang matigil ang nagaganap na paglabag sa karapatang-tao ng mga maralita,” ani Badion.
Suporta mula sa simbahan
Nakakuha naman ng suporta ang mga maralita mula sa iba’t-ibang grupo ng simbahan. Sa nagaganap na Church People-Urban Poor Solidarity Conference sa Adamson University, nanawagan din sa Pangulo ang mga obispo para ipatigil ang mga demolisyon ng mga maralitang komunidad.
Ani Fr. Charly Ricafort, MI, tagapangulo ng Task Force for Urban Conscientization (TFUC-AMRSP), hindi dapat palampasin ni Pangulo Aquino ang mga nagaganap na paglabag sa karapatang-tao ng mga maralita. Ani Ricafort, sa halip na mga negosyante, dapat maralita at ang nanganagilangan ang binibigyang pabor ng pangulo. Magsisindi rin ng mga kandila ang mga taong-simbahan sa kahabaan ng Taft Ave kasabay ng mga nagkakampo sa labas ng NHA, upang diumano magbigay kaliwanagan sa pangulo. ###
No comments:
Post a Comment