PRESS RELEASE l 29 November 2011
ALYANSA KONTRA DEMOLISYON
Reference: Carlito Badion, AKD lead convenor (09393873736)
QUEZON CITY—Nanawagan ang grupong Alyansa Kontra Demolisyon (AKD) sa pangunguna ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay sa lahat ng mga maralita na planong palayasin ng pamahalaan sa kani-kanilang mga komunidad sa Metro Manila para sumama sa martsa bukas ng umaga patungong Mendiola. Mananawagan sila sa pangulo ng isang pambansang tigil-demolisyon.
Magmumula ang kanilang martsa sa sa labas ng National Housing Authority kung saan kasalukuyang nagkakampu ang ilang grupo ng maralita. Binubuo sila ng iba’t-ibang samahan ng maralita na may mga banta ng demolisyon dahil sa mga proyektong pangkaunlaran ng administrasyon Aquino sa ilalim ng programang Public-Private Partnership.
Ngayong hapon, magsisindi ng kandila ang mga maralita bilang pagkondena sa marahas na pagbuwag ng kapulisan sa mga barikada kahapon sa Sitio Looban, Brgy Kaligayan at sa BIR road, Brgy Central, QC. Nanawagan ang grupo ng hustisya para mga biktima ng demolisyon sa boung bansa at hindi makataong pagtrato ng pamahalaan sa mga maralita.
“Nakakapanlumo ang kawalang-aksyon ng pambansang pamahalaan sa mga nagaganap na demolisyon ng mga kabahayan ng mga maralitang lungsod,” ayon kay Carlito Badion, convenor ng AKD. “Kami na nga ang naghihirap at walang makain, kami pa ang tinatanggalan ng tirahan ng gubryerno.”
Trabaho, hindi demolisyon sa Araw ni Bonifacio
Bukas ay inaasahang magmartsa ang daan-daang maralitang biktima ng kaliwa’t-kanang demolisyon patungo sa Mendiola bilang pagkondena sa mga maling programa ng administrasyon Aquino para sa maralita. Ang panawagan ng grupo: Kabuhayan, trabaho, dagdag-sahod, hindi pantawid gutom at demolisyon!
Sasanib ang grupo sa manggagawa na magsasagawa rin ng isang malaking pagkilos para sa makabuluhang dagdag-sahod at trabaho.Tinawag nilang Araw ng Anakpawis ang araw ng kapanganakan ng rebolusyonaryong si Gat Andres Bonifacio na isa ring manggagawa at maralita.
“Hindi na namin maaring palampasin pa ang ginagawang malalang pambubusabos ng administrasyong Aquino sa mga maralita. Sa Pilipinas, hindi tao ang trato ng pamahalaan sa mga maralita kundi mga hayop, at basura na itinatapon sa malalayong lugar para sa interes ng negosyo at dayuhan,” dagdag ni Badion.
Sabwatang Aquino-malalaking negosyante
“Ang kawalang aksyon ng Malacanang sa nagaganap na mga demolisyon ay nangangahulugan ng tahasang pakiipagsabwatan ni PNoy sa mga malalaking negosyante na tanging makikinabang sa mga proyeko ng pamahalaan. Kung tunay siyang nagsisilbi sa mamamayan, kaagad niyang ipahinto ang lahat ng mga nakaambang demolisyon ng mga komunidad sa buong bansa. Kailangang matigil ang nagaganap na paglabag sa karapatang-tao ng mga maralita,” ani Badion.
Suporta mula sa simbahan
Nakakuha naman ng suporta ang mga maralita mula sa iba’t-ibang grupo ng simbahan. Sa nagaganap na Church People-Urban Poor Solidarity Conference sa Adamson University, nanawagan din sa Pangulo ang mga obispo para ipatigil ang mga demolisyon ng mga maralitang komunidad.
Ani Fr. Charly Ricafort, MI, tagapangulo ng Task Force for Urban Conscientization (TFUC-AMRSP), hindi dapat palampasin ni Pangulo Aquino ang mga nagaganap na paglabag sa karapatang-tao ng mga maralita. Ani Ricafort, sa halip na mga negosyante, dapat maralita at ang nanganagilangan ang binibigyang pabor ng pangulo. Magsisindi rin ng mga kandila ang mga taong-simbahan sa kahabaan ng Taft Ave kasabay ng mga nagkakampo sa labas ng NHA, upang diumano magbigay kaliwanagan sa pangulo. ###
No comments:
Post a Comment