Translate

Monday, December 12, 2011

[ ‘GCMA, panagutin sa mga kaso ng pandarambong sa taumbayan!’] Grupong Kadamay, muling lumusob sa Veterans hospital

PRESS RELEASE l 12 DECEMBER 2011
KALIPUNAN NG DAMAYANG MAHIHIRAP
REFERENCE: Carlito Badion, Kadamay national vice chair l 09393873736

QUEZON CITY, Philippines—Muling lumusob ang grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay sa North Avenue gate ng Veterans Memorial Medical Center (VMMC) ngayong umaga. Kinondena ng grupo ang hospital arrest ng dating pangulong at ngayo'y Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo.

Nanguna sa pagkilos ang maralita mula sa kalapit na North Triangle na nahaharap sa banta ng demolisyon at nangakong gagawin nilang miserable para kay CGMA ang kanyang pananatili sa nasabing ospital.

Nanawagan din ang maralita sa administrasyong Aquino na imbestigahan ang diumano’y maanomalyang pagpepresyo sa lupain ng North Triangle sa panahon ng administrasyon Arroyo. Isa lamang diumano ito sa patung-patong na kaso ng pandarambong ng nakaraang administrasyon sa pondo ng taumbayan.

“Kung ikukumpara sa kasong electoral sabotage, hindi kailang mas malalakas ang mga graft case laban sa dating pangulo katulad ng NBN-ZTE deal and the Fertilizer Fund scam. Ang mga ito ang tiyak at mas mabilis na maghahatid sa dating pangulo sa kulungan,” ayon sa pahayag ng grupo.

Maanomalyang presyuhan ng lupa sa North Triangle
Ayon naman kay Carlito Badion, pambansang pangalawang tagapangulo ng Kadamay, “Kaduda-duda diumano ang pagkakakuha ng Ayala Land Inc, (ALI) sa 29.1 ektaryang lupain ng Sitio San Roque, North Triangle sa halagang P20,000 kada metro kwadrado, mas mababa pa sa kalahati ng aktwal na halaga ng nabanggit na lupa.

Nasungkit diumano ng ALI ang isang joint-venture project na nagkakahalagang 22 biyong piso katuwang ang National Housing Authority (NHA) sa bisa ng Executive Order 620 ng dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Ito ang nagbigay daan para idebelop ang lupain sa North at East Triangle para sa Quezon City Central Business District (QCCBD).

Ang EO 620 (Rationalizing and speeding up the development of the East and North Triangles, and the Veterans Memorial Area of Quezon City, as a well-planned, integrated and environmentally balanced mixed-use development model)ay nilikha ni Arroyo noong Mayo 4, 2007, ilang araw bago ang pambansang halalan noong Mayo 14, 2007, at ilang linggo makalipas lagdaan ng gubyerno ang 329 milyong dolyar National Broadband Network (NBN) deal katuwang ang China's ZTE Corp.

Dagdag pa ni Badion, “Nakakuha kami ng report na ang presyong P20,000 per square meter, ay halos kalahati lamang ng presyo ng mga residential lot sa katabing West Triangle, gayong ang North Triangle area ay kinategoryang ng pambansang pamahalaan bilang isang istratehiko at komersyal na lugar.”

“Kaduda ang timing ng paglalabas ng executive order ng dating pangulo na ilang araw lamang bago ang halalang 2007. Hindi mawawala ang posibilidad na may kumita mula sa nasabing paglalabas ng kautusan,” ani Badion.

Kinokondena ng Kadamay ang pagkaka-hospital arrest sa dating pangulo. Diumano, sa ordinaryong presinto niya dapat pagbayaran ang malalang kasalanan niya sa taumbayan.

Panibagong banta ng demolisyon
Ayon kay Jocy Lopez ng Kadamay North Triangle, “naging miserable ang buhay ng mga residente ng North Triangle simula ng ideklara ng pamahalaan ang paglilikas sa mga residente ng San Roque patungo sa mga relokasyon sa Montalban.”

Buhat noong Setyembre 23 ng nakaraang taon, kung kailan naganap ang sagupaan ng mga residente at demolition team sa EDSA, halos buwanan na silang nakakatanggap ng iba’t-ibang banta ng pagpapalayas sa kanilang komunidad.

Nanawagan ang mga residente kay Pangulong Aquino na kaagad ibasura ang EO 620 at 620-A ni Arroyo, at imbestigahan ang maanomalyang joint-venture contract ng NHA at ALI. ###

No comments:

Post a Comment