PRESS RELEASE (05 DEC 2011)
KALIPUNAN NG DAMAYANG MAHIHIRAP
REFERENCE: Jocy Lopez, Kadamay North Triangle chair (09282998089, 09099725918)
Tutol ang mga maralita sa paligid ng Veterans Memorial Medical Center sa hospital arrest ng dating pangulo, at sa paglipat niya sa nasabing ospital. Ayon kay Jocy Lopez, lider ng Kadamay North Triangle, gagawin nilang miserable ang bawat araw ni Arroyo sa VMMC. Dagdag niya, dapat danasin din ni Arroyo ang miserableng buhay na kanilang dinaranas dahil sa kada-buwang banta ng demolisyon sa kanilang lugar sa Sitio San Roque, komunidad na katabi ng VMMC.
Kaninang umaga nagsasagawa ng kilos-protesta ang mga maralita sa paligid ng VMMC at nagdala sila ng isang kulungan na simbolo diumano ng kanilang pagnanais na ilagak sa kulungan si dating pangulo. Kasabay din nito, nagbabala ang mga raliyista kay Noynoy na hindi malayong lasapin din nito ang galit ng mamamayan lalo na ng maralita kapag natuloy ang kaliwa't-kanang demolisyon ipinapatupad ng kasalukuyang pamahalaan para bigyang daan ang mga diumano'y proyektong pangkaunlaran.
Ang pagkilos ding ito ayon sa grupo ni Lopez ay paraan nila ng paniningil sa dating pangulo na siya diumanong nagligalisa ng demolisyon sa kanilang kabahayan, kabilang na ang VMMC sa bisa ng Executive Order (EO) 620 at 620-A na nilikha ni Arroyo noong 2007.
Kinukunsidera ng mga residente ng Sitio San Roque si Arroyo bilang 'mastermind' ng malawakang demolisyon ng mga kabahayan ng aabot sa 24,000 maralitang pamilya sa North at East Triangle sa lungsod Quezon.
EO 620 at 620-A
Noong Mayo 2007, nilagdaan ni CGMA ang EO 620 (Rationalizing and speeding up the development of the East and North Triangles, and the Veterans Memorial Area of Quezon City, as a well-planned, integrated and environmentally balanced mixed-use development model) at EO 620-A (Expanding the composition of the Urban Triangle Development Commission and clarifying its structure and functions). Ang mga ito ang magtitiyak na matiayo ang Quezon City Central Business District sa lugar na kinatitirikan ng kabahayan ng mga maralita, kasama na ang compound ng VMMC.
Ayon kay Lopez, pabor sa Ayala Land Inc. na siyang magdedebelop sa eryang saklaw ng QCCBD, tiniyak ng mga nabanggit na kautusan ni Arroyo ang pagpapatupad sa pangangamkam ng National Housing Authority sa 37 ekratyang lupain sa Sitio San Roque na noong 2007 tinitirhan ng hindi bababa sa 11,000 maralitang pamilya. Dahil din sa kautusang ito, naisawalang bisa ni Arroyo ang EO 106 na naunang nilikha noong 2002 at magtitiyak sana sa pamamahagi ng mga lupain sa mga maralita ng North Triangle.
“Dapat managot si Arroyo hindi lang sa mga kaso ng pandaraya sa eleksyon at korapsyon, kundi pati na rin sa libong maralitang nawalan ng bahay at nalipat sa relokasyon na ngayo’y dumaranas ng kalunus-lunos na buhay. Gayundin sa kalbaryong dinaranas namin sa tuwing may banta ng demolisyon sa aming mga komunidad,” banggit ni Lopez.
Petisyon para palayasin si Arroyo
Nanawagan din si Lopez sa mga pasyente sa VMMC na ipitisyon ang paglipat o pagpapaalis kay Arroyo sa nasabing ospital sa batayang ninais ng dating pagulo na ipasara ang nasabing ospital at mawalan ng serbisyo para sa mga beterano at mga kapamilya nila noong siya ang naunungkulan pa. Ayon pa kay Lopez, ang VMMC ay para sa mga beterano, hindi sa mga berdugo.
Ayon naman kay Gloria Arellano, pambansang pangkalahatang kalihim ng Kadamay, “hindi matatamasa ng mga maralita ang tunay hustisya hanggat hindi nakukulong si Gng Arroyo at tinatrato bilang isang ordinaryong Pilipino na nahaharap sa isang paglilitis sa korte.” Hindi umano nila makakalimutan ang mala-bagyong pananalasa ni Arroyo sa paninirahan, kabuhayan at karapatang-tao ng mga maralita at ng sambayanang Pilipino.
Mas masahol si Aquino
“Ngunit sa sunud-sunod na demolisyon kinakaharap ng maralita sa kasalukuyan, tila mas masahol pa sa Aquino kumpara sa dating pangulo sa pagtrato niya sa mga maralita,” ani Arellano. "Bagamat si Arroyo ang nasa likod ng mga kautusang nagpabilis ng demolisyon ng mga kabahayan sa North at East Triangle, si Aquino ang nagpatupad ng marahas na demolisyon ng mga kabahayan sa Sitio San Roque apat na buwan lamang pagkaluklok niya sa poder.”
"Dapat maging leksyon kay Noynoy ang nagaganap na pagpapakita ng galit sa mamamayan kay Arroyo. Kung magiging sunud-sunuran din si Aquino sa interes ng Ayala at iba pang dayuhan at lokal na negosyante, nakahanda rin kaming panagutin siya hanggang sa katapusan,” ani Arellano.###
No comments:
Post a Comment