PRESS RELEASE
25 January 2012
"Kapus na kapos ang hakbangin ni Energy Secretay Almendra, at pinagtatanggol pa nito ang presensya ng mga dayuhang oil companies sa bansa na nagkakamal ng bilyun-bilyong piso mula sa maralitang Pilipino."
Ito ang pahayag ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa naging pagsang-ayon ni Sec. Jose Rene Almedras sa mungkahing paglalagay ng ceiling o limit sa kita ng mga higanteng kompanya ng langis sa bansa.
Noong Setyembre nakaraang taon, nag-file si Senator Trillanes IV ng Senate Bill 2929 na nagtatakda ng 12% cap sa annual profit ng mga oil companies.
Mariin namang kinondena ng Kadamay ang nasabing panukalang batas dahil umano ito'y isang pagkokontrol lang sa kasakiman ng mga dayuhang kumpanya o 'greed-moderation'.
Ani Gloria Arellano, secretary-general ng grupo, "Bakit pa natin bibigyan ng pagkakataon ang mga oil companies na makiparte sa napakaliit nang kita ng mga maralitang Pilipino?"
Ayon kay Arellano, "Ang tanging paraan para matigil ang kaswapangan ng mga oil companies ay ang pagtataboy sa kanila patungo sa mga pinagmulan nilang bayan, at ang pagsasabansa ng industriya ng langis."
Kamakailan lang ay kinundena rin ng grupo ang programang E-Trike ng Department of Energy sa pahayag ng ahensyang mapapagaan ng nasabing programa ang epekto ng di-mapigilang pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.
Ayon pa sa grupo, dinidistansya ng gubyerno ang sarili nito sa problema sa langis ng bansa.
Ngayong umaga ay magtutungo ang iba't-ibang militanteng grupo, kabilang na ang Kadamay, sa South Gate ng Batasan Complex upang ipaalala sa Kongreso ang pangako nito sa taumbayan na i-review ang Oil Deregulation Law.
Ayon sa mga militante, ang batas na ito umano ang nagliligalisa sa overpricing at talamak na profiteering ng mga dayuhang kumpanya sa langis.
Hinimok din ng Kadamay ang mga maralitang lungsod at ang publiko na makilahok sa mga isasagawang protestang-bayan laban sa umano's "sabwatan ng kartel sa langis at ng administrasyong Aquino".
Maglulunsad din ang grupo ng mga lokalisadong kilos-protesta at pag-iingay sa loob ng mga komunidad ng maralita sa mga darating na mga araw, habang patuloy ang pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo, at ng kita ng mga dayuhang oil companies, dahil sa kawalang-aksyon ng pamahalaan.
Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay)
Militanteng Sentro ng Maralitang Lungsod sa Pilipinas
Reference: Gloria Arellano, Kadamay secretary-general (09213927457)
No comments:
Post a Comment