PRESS RELEASE
23 January 2012
“Hangga’t hindi pa nakakamit ng 6,296 magsasaka ng Hacienda Luisita ang titulo ng mga lupang ipapamahagi sa kanila, walang karapatan ang Malacanang na sabihing mayroong tunay na reporma sa lupa sa bansa.”
Ito ang pahayag ng Kadamay hinggil sa deklarasyon ng Malacanang na nagaganap ang isang tunay na reporma sa lupa sa bansa, sa ika-25 anibersaryo ng Mendiola Masaker noong Linggo.
Ayon kay Gloria Arellano, secretary-general ng Kadamay, “Ang patuloy na lumalaking populasyon ng mga maralitang lungod ay tanda ng kawalan ng lupang sakahan sa probinsya na nagtutulak sa milyong magsasaka na maghanap ng ikabubuhay sa kalunsuran.”
Ayon sa Urban Poor Resource Center in the Philippines (URPCP), nasa record-level ang tantos ng urban migration sa bansa, habang ang tantos ng paglaki ng populasyon sa kalunsuran ay nanatiling mataas sa 3%. Ayon naman sa Kadamay, papalo na sa 30 milyong ang bilang ng mga maralitang lungsod sa bansa, at patuloy itong lumalaki kada-taon.
“Kaparehas ng kalagayan 25 taon na ang nakakalipas, ang mga panginoong maylupa ngayon ay higit pang naging makapangyarihan, at napanatili nila ang pag-aari sa malalaking lupain sa bansa,” ani Arellano. Dahil ito umano sa kontra-magsasakang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ng administrasyong Cory Aquino, at sa CARPEr na ekstensyon ng CARP ng kasalukuyang administrasyon.
Dagdag pa ni Arellano, naglikha pa nga ang mga nabanggit na programa ng mga bagong sibol ng Panginoong Maylupa na sinasamantala ang kawalang-kakayahan ng mga maliliit na magsasaka na magbayad ng buwanang amortisasyon sa lupa, matapos silang makakuha ng mga Certificate of Land Ownership Award (CLOA).
Naniniwala ang mga militante na ang naging desisyon ng Korte Suprema na ipamahagi ang lupa ng Luisita sa magsasaka, ay nasa likod ng nagaganap na impeachment ni Chief Justice Renato Corona.
“Gagawin ni Aquino ang lahat para hindi mabawi ng mga magsasaka ang lupa ng Luisita mula sa kaniyang pamilya. Ganito rin ang pagnanais ng lahat ng mga panginoong maylupa na ngayon ay nakaupo na sa pinakamatataas na pwesto sa gubyerno,” dagdag pa ni Arellano.
Muling iginiit ng Kadamay ang panawagan ng grupo para sa tunay na reporma sa lupa na sa esensya ay libreng pamamahagi ng lupa sa mga walang lupang Pilipino. Ayon pa sa grupo, hangga’t hindi ito naisasakatuparan, lalala pa ang dinaranas na kahirapan kapwa sa lungsod at kanayunan. ###
Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay)
Militanteng Sentro ng Maralitang Lungsod sa Pilipinas
Reference: Gloria Arellano, Kadamay secretary-general (09213927457)
No comments:
Post a Comment