Translate

Monday, January 16, 2012

Ka Mameng, pangungunahan ang mga maralita sa unang araw ng protesta sa Senado

PRESS RELEASE l 16 January 2012

Ka Mameng, pangungunahan ang mga maralita sa unang araw ng protesta sa Senado

Ang beteranang aktibistang si Carmen 'Ka Mameng' Deunida ay mangunguna ngayong umaga sa pagkilos ng mga maralitang lungsod at iba pang sektor sa unang araw ng pagdinig sa Senado ng impeachment case ni Chief Justice Renato Corona.

Ang 83-taong betarana ng lansangan na honorary chair ng miltanteng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay ay inaasahang susuporta sa impeachment case ni Corona, kasama ng iba pang lider ng mga organisasyon sa ilalim ng Bagong Alyansang Makabayan o Bayan.

Si Ka Mameng ay naging sikat na maslider lalo pa noong kasagsagan ng impeachment case ni dating Pangulong Joseph Estrada at noong EDSA Dos. Sampung taon ang lumipas, muli siyang magsasalita sa isang panibagong impeachment case upang maging boses ng mga maralita at pinagsasamtalahan.

Ayon kay Ka Mameng, "Malaking tinik si Corona sa tuluyang pagpapanagot at pagpapakulong kay Gloria Arrovo." Hinamon niya ang kapwa maralitang lungsod na pumabor sa pagpapatalsik sa puno ng Korte Suprema.

Hindi pa huli ang lahat
Ngunit ayon kay Ka Mameng, "Madaling mapapatunayan ni Corona sa taumbayan na hindi siya isang sunud-sunuran kay Arroyo kung ngayon pa lang ay gagawa na siya ng mga maka-maralitang hakbang."

"Hindi pa huli ang lahat para kay Corona," ayon kay Ka Mameng. "Kung maglalabas ang Korte Suprema ng mga desisyon na direktang magsisilbi sa interes ng mga maralita, makukuha niya tiyak ang simpatya sa malawak na publiko," dagdag pa niya.

TRO sa demolition
Ang Kadamay na naka-base sa mga maralitang komunidad sa buong bansa ay nauna nang nanawagan kay Corona na maglabas ng isang temporary restraining order sa pagpapatupad ng mga demolisyon ng mga maralitang komunidad. Dahil diumano ito sa malalang paglabag sa karapatang pantao na dulot ng mga ito.

Nanawagan pa ang grupo na maglabas din ng TRO sa pagpapatupad ng gubyerno sa RA 7279 o Urban Development and Housing Act (UDHA), na siya diumanong nagliligalisa ng mga nabanggit na demolisyon.

"Sa kapangyarihan nito, kayang-kayang ng Korte Suprema na mapahinto ang mga demolisyon kagaya ng naganap sa Corazon de Jesus sa San Juan City, at sa North Triagle sa Quezon City," dagdag pa ng lider.

Kailangan din diumanong makialam ni Corona sa mga napapanahong isyu ng mamamayan gaya ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin, maliit na sahod at mawalak na disempleyo, gayundin ang reporma sa lupa.

Di Seryoso
Sa kabila ng nagaganap na impeachment sa Senado, naniniwala pa rin ang Kadamay na hindi sinsero si Aquino sa pagtupad nito sa pangako sa taumbayan na mapanagot si Arroyo.

"Ang pangangailangang pagtakpan ni Aquino ang kainutilan ng kanyang administrasyon sa pagsugpo sa lumalalang kahirapan sa bansa, kasama na ang naging desisyon sa Korte Suprema ang mga pangunahing dahilan sa likod ng impeachment case ni Corona," ani Ka Mameng. ###


KALIPUNAN NG DAMAYANG MAHIHIRAP (KADAMAY)
Militanteng Sentro ng Maralitang Lungsod sa Pilipinas
REFERENCE: Gloria Arellano, pambansang pangkalahatang-kalihim (09213927457)

No comments:

Post a Comment