PRESS RELEASE
21 January 2012
Nagbabala ang grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) na hindi malayong maulit ang makasaysayang Mendiola Masaker sa ilalim ng rehimeng US-Aquino kung titingnan ang pagtutulak nito ng mga madudugong demolisyon ng kabahayan ng mga maralitang lungsod.
Gayundin, ibubunsod din ang isang kaparehas na insidente ng matinding pag-aasam ng pamilya Cojuangco-Aquino na mabaligtad ang naging desisyon ng Korte Suprema na ipamahagi ang lupain ng Hacienda Luista sa mga magsasaka.
"Gagawin ni Aquino ng lahat, hindi lamang ang pagpapatalsik sa chief justice ng Korte Suprema, maging ang paggamit ng dahas upang supilin ang malakas na panawagan ng mamamayan para tuluyang ipamahagi ang lupain ng Luisita sa mga magsasaka," ayon kay Leona Sarzuela, lider ng grupo.
Kahapon, nakiisa ang mga maralita sa Kamaynilaan sa paggunita sa ika-25 taong anibersaryo ng Mendiola Masaker. Nanawagan ang Kadamay para sa pagkamit ng mailap na hustisya para sa mga magsasakang pinaulanan ng bala sa paanan ng Mendiola noong Pebrero 22, 1987 sa ilalim ng administrasyong Cory Aquino.
'Like mother, like son'
"Like mother, like son. Iisang dugo ang dumadaloy sa mag-ina: ang dugo ng pasismo at kasakiman na nagpapahirap sa milyun-milyong Pilipino," ani Sarzuela.
Diumano, "Ang kawalang aksyon ng Palasyo sa brutal na demolisyon ng mga maralita sa Corazon de Jesus, at pagkonsinti sa brutalidad ng ng mga Ejercito ay tanda ng pasismo ng kasalukyang administrasyon."
"Hindi na nakakapagtaka na sa darating na mga araw ay mauulit ang isang kagaya ng Mendiola Masaker gamit ang kapulisan at militar, sa patuloy na pag-aangkin ng Cojuangco sa lupain sa Hacienda Luisita," ani Sarzuela.
Nangako ang grupo na higit pang pag-iibayuhin ang pagsuporta ng sektor ng maralitang lungsod sa mga protesta para matiyak ang pamamahagi ng lupain ng Hacienda Luisita sa mga magsasaka, at sa pagsusulong ng tunay na reporma sa bansa.
Ugat ng kahirapan
Ani Sarzuela, ang kawalan ng pag-aaring lupang sakahan ang nagtutulak sa daan-daang libong Pilipino kada-taon na tumungo sa mga sentrong lungsod upang maghanap ng ikabubuhay.
Diumano, parehas na inutil ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) sa panahon ni Cory Aquino, at ang CARPEr sa ilalim kasalukyang administrasyon.
"Walang nagawa ang mga batas na ito para solusyunan ang problema sa lupa sa bansa. Higit pa nitong binigyan ng kapangyarihan ang mga haciendero para mangamkam ng mga bagong lupain mula sa maliliit na magsasaka, at panatilihin ang kanilang pag-aari sa lupa, kagaya ng nagaganap ngayon sa Hacienda Luista," diin ni Sarzuela.
Ayon sa Kadamay, "Hangga't hindi naipapatupad ang isang tunay na programa ng repormang agraryo, titindi pa at lalawak ang pag-aaklas ng mamamayan sa patuloy na paglala ng kahirapan sa lungsod at kanayunan." ###
Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay)
Militanteng Sentro ng Maralitang Lungsod sa Pilipinas
Reference: Leona Sarzuela, pambansang taga-pangulo (0912.649.0392)
No comments:
Post a Comment