Translate

Saturday, January 21, 2012

Mga grupo ng maralita sa buong bansa, nagkakasa na laban sa pananalasa ng gubyerno sa kanilang tirahan

PRESS RELEASE
21 January 2012

Naghahanda na ang mga grupo ng maralitang lungsod sa buong bansa at mga taga-suporta nila sa ilalim ng Alyansa Kontra Demolisyon laban sa tumitinding atake ng administrasyong Aquino sa kanilang mga tirahan at kabuhayan. Sa Metro Manila naman, pinaghahandaan ng mga maralita ang isang malaking pagkilos bago matapos ang buwan ng Enero para manawagan kay Chief Justice Renato Corona at sa Malacanang ng isang pambansang 'moratorium' sa demolisyon.

Sa pahayag ng grupo, kinundena nito ang National Drive Against Professional Squatters and Squatting Syndicates (NDAPSSS) ng administrasyong Aquino na diumano'y may layuning masawata ang problema ng squatting sa bansa.

Ayon kay Carlito Badion, tagapagsalita ng Alyansa Kontra Demolisyon, magreresulta lang ito sa mas mararahas pang mga kaso ng demolisyon ng kabahayan ng maralita sa mga sentrong lungsod sa buong bansa.

Public-Private Partnership
Dagdag pa ni Badion, "Sa esensya, ang national drive na ito ay ang mismong epekto ng Public-Private Partnership ni Aquino kung saan nagiging 'collateral damage' ang mga maralita at ang kanilang kabahayan para makamit ang kaunlaran na pakikinabangan lamang ng mga dayuhan at iilang negosyante."

Ani Badion, "Ang bulok na programa ng gubyerno sa pabahay na nanatiling mga off-city relocation na walang kabuhayan at serbisyong panlipunan ang dahilan ng pagbalik ng mga nag-relocate. Walang karapatan ang gubyerno na ikriminalisa ang mga bumabalik ng mga relocatees at tawagin silang mga professional squatter, hangga't hindi inaayos ng National Housing Authority ang programa ng gubyerno sa pabahay."

Dagdag pa niya, "Kung meron mang mga nagnenegosyo mula sa pag-iiskwater na tinatawag nitong 'squatting syndicate', sila ay iilang grupo lang, at kadalasan ay may koneksyon pa sila sa mismong pamahalaan."

Local committes vs professional squatting
Binira rin ng grupo ang panawagan ni DILG Secretary Rodredo sa mga lider ng mga lungsod at mga munisipyo sa buong bansa na lumikha ng mga local committees laban sa mga professional squatters at squatting synidicate.

Ayon kay Robredo, binibigyan ng mandato sa Urban Development and Housing Act (UDHA) o RA 7279 ang mga lokal na opisyal para sawatain ang problema sa squatting.

Ngunit tugon ni Badion, "Batay sa inilabas na pag-aaral ng DILG noong Mayo 2011, na nagsasaad na hindi epektibo bilang sagot ang off-city relocation sa problema sa pabahay ng maralitang lungsod, dapat ay naiintindihan na ni Robredo ang kalagayan sa mga relocation site, kung kaya't bumabalik sa lungsod ang mga tinatawag nilang 'professional squatters'.

"Ang panawagang ito ni Robredo ay magbibigay lamang ng higit pang kapangyarihan sa mga LGU para magsagawa ng malalalang paglabag sa karapatan ng mga maralita kagaya ng ginawa ng mga Ejercito sa mga residente ng San Juan," pinunto ni Badion.

Sa mga darating na araw ay maglulunsad ng protesta ang Alyansa Kontra Demolisyon sa tanggapan ni DILG Secretary Robredo para kuhanin ang kanyang paliwanag hinggil sa usapin.

Mas matinding depensa
Nagbanta naman ang grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay na kakaharapin ng gubyerno ang mas matindi pang paglaban ng mga maralita sa mga plano nitong demolisyon ng mga maralitang komunidad sa buong bansa.

"Higit pa sa ipinakita ng mga maralita ng San Juan ang barikadang-bayan na sasalubong sa gubyerno sa bawat pagtatangka nitong wasakin ang aming mga tirahan at kabuhayan," ayon kay Leona Sarsuela, pambansang tagapangulo ng Kadamay.

Pambansang tigil-demolisyon
Nagpahayag din ang Kadamay na bago matapos ang buwan ng Enero, maglulunsad ito kasama ang iba pang grupo sa ilalim ng Alyansa Kontra Demolisyon ng mga malalaking pagkilos patungong Supreme Court at Mendiola para manawagan kay Chief Justice Corona at kay Aquino ng isang pambansang moratorium sa demolisyon.

Samantala, patuloy pa rin ang panawagan ng mga grupo ng maralita para sa suporta sa mga pamilyang ginibaan ng tahanan sa San Juan at tumangging lumipat sa relokasyon sa Montalban. ###


ALYANSA KONTRA DEMOLISYON
Reference: Carlito Badion, Lead Convenor (0939.387.3736)

No comments:

Post a Comment