Translate

Monday, January 30, 2012

TRO sa demolisyon sa buong bansa, ipinanawagan ng mga maralita sa mga mahestrado ng Korte Suprema

PRESS RELEASE
30 January 2012


Kasabay ng marahas ng pagbuwag sa protesta ng mga maralita sa Quezon City Hall, nagsagawa ng pangangalampag ang iba't-ibang grupo sa ilalim ng Alyansa Kontra Demolisyon sa tanggapan ng Korte Suprema sa Padre Faura ngayong umaga.

Banggit ng grupo, "Dapat matagal nang nakialam ang Korte Suprema sa mga nagaganap na malalang kaso ng paglabag sa karapatan ng mga maralita dulot ng walang habas na demolisyon na ipinapatupad ng rehimeng Aquino."

Ani Carlito Badion, pambansang pangalawang tagapangulo ng Kalipunan ng Damayang Mahihihirap (Kadamay) at tumatayong lead convenor ng Alyansa Kontra Demolisyon, "Sa dami rin ng mga kasong nakabimbin sa Korte Suprema at sa mga regional trial court hinggil sa usapin sa paninirahan, dapat kaagad mag-issue ang Korte Suprema ng isang 'temporary restraining order laban sa mga nagaganap na demolisyon sa buong bansa.'

"Dapat ulitin at paramihin pa ng Korte Suprema ang mga desisyon na pabor sa mga nakararaming maralita sa bansa, kagaya naging desisyon nito sa kaso ng Hacienda Luisita," dagdag pa ni Badion.

I-reapeal ang UDHA

Nanawagan din ang mga maralita na i-repeal ng Korte Suprema ang RA 7279 o Urban Development and Housing Act, ang batas na umano'y ginagamit ng kasalukuyang administrasyon para itaboy ang higit sa isang milyong maralitang pamilya sa buong bansa patungo sa mga 'kalbaryong relokasyon'.

Nakilahok sa nasabing pagkilos ang mga grupo ng maralita mula sa North Triangle, at iba pa mula sa mga komunidad na nahaharap sa iba't-ibang banta ng demolisyon. Kabilang din sa pagkilos ang mga relocatees na mula sa Montalban, Rizal.

'Demolition King'

Pagkatapos sa Korte Suprema ay inaasahang tumulak ang grupo patungong Mendiola para naman singilin ang pangulong kung tawagin nila ay 'Demolition King'.

Ayon kay Badion, hindi nila hahayaang maulit ang mga mararahas na demolisyon kagaya ng naganap sa San Juan. Nananawagan sila kay Aquino na itigil na ang 'kahibangan' nito sa pagbibigay ng mga lupain sa bansa sa kamay ng mga dayuhan, habang winawasak naman ang mga kabahayan, at inilalayo sa pinagkukunan ng kabuhayan ang mga maralita.

'Collateral Damage'
Ayon pa kay Badion, "Sa Public-Private Partnership ni Aquino, nagiging 'collateral damage' ang mga maralita para sa kaunlaran na pakikinabangan lamang ng mga dayuhan at iilang negosyante sa bansa." ###


ALYANSA KONTRA DEMOLISYON
Reference: Carlito Badion, Lead Convenor (0939.387.3736)

No comments:

Post a Comment