Translate

Thursday, February 2, 2012

'CCT, hindi talaga para sa pagsugpo ng kahirapan'--Kadamay

PRESS RELEASE
1 Pebrero 2012


"Ang Conditional Cash Transfer (CCT) ay instrumento lamang ng administrasyong Aquino para matiyak nito ang pananatili sa poder, at hindi pa upang sugpuin ang lumalalang kahirapan sa bansa."

Ito ang pahayag ng militanteng grupo ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) hinggil sa naging pagtaas ng datos ng kagutuman, samantalang bumaba naman ang bilang ng mga naghihirap sa huling kwarto ng 2011, ayon sa huling Social Weather Station (SWS) Survey.

Binira ng militanteng grupo ang pahayag ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Dinky Soliman na ang CCT ang nasa likod ng pagbaba ng bilang ng naghihirap, at pagbalewala ng kalihim sa pagtaas ng bilang ng nagugutom na Pilipino.

Ani Soliman, walang halaga ang ilang puntos na pagbaba sa tantos ng kagutuman na dinadanas ng mga Pilipino kung ikokonsidera ang margin of error na plus o minus 3 percent sa nasabing resulta ng SWS Survey.

Ayon naman kay Gloria Arellano, national secretary-general ng Kadamay, dapat ay itigil na ng kalihim ang pagtatanggol nito sa depektibong CCT o Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng administrasyong Aquino. Dagdag pa niya, liban sa ang CCT ay napakagastos, walang katiyakan ang DSWD na kalaunan ay mapapawi nito ang kahirapan sa bansa.

Dagdag pa ni Arellano, "Hindi naman tinutukoy kung sino sa mga respondent ng SWS Survey ang mga benipisyaryo ng CCT, kaya hindi sapat na sabihing umeepekto ang CCT sa tuwing bumababa ang tantos ng kahirapan sa mga serbey ng SWS."

Lumalalang kahirapan at kagutuman

Sa kabilang banda, naniniwala rin ang Kadamay na nagpapatuloy ang pagtaas kapwa ng bilang ng nagugutom at naghihirap sa bansa. Dahil umano ito sa patuloy na pagtalikod ng pamahalaan sa mga programang tunay na makapagpapangat sa kabuhayan ng mga maralita, gaya ng pagtaas ng sahod ng mga manggagawa, at paglikha ng mga lokal na indutriyang magtitiyak ng mga permanenteng trabaho.

Gayundin, dagdag ng grupo, nanatiling pangako pa rin hanggang sa ngayon ang pamamahagi ng lupa sa mga maralitang magsasaka para magkaroon sila ng pagkukunan ng kabuhayan.

"Ang halos 40 bilyong pondo ng CCT sa taong 2012 ay malaki na ang magagawa para itaas ang sahod, makalikha ng mga bagong industriya at mapaunlad ang atrasadong agrikultura sa bansa," banggit ni Arellano.

"Kaduda-duda ang pagbaba ng tantos ng kahirapan mula 52% o 10.4 milyong Pilipino noong Setyembre 2011, patungong 45% o 9.1 milyon ng Disyembre 2011, sa kabila ng walang habas na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at bilihin sa huling kwarto ng nakaraang taon," pinunto ni Arellano.

Safeguard measure

Ayon pa sa militanteng grupo, imbis umano na solusyunan ng CCT ang laganap na kahirapan, nagsisislbing proteksyon o safeguard measure lang ang nasabing programa ng administrasyong Aquino para pigilan ang lumalawak na galit at diskontento ng mga maralitang Pilipino bialng epekto ng lumalalang lokal at pandaigdigang krisis sa ekonomiya. "Walang ibang layunin ang CCT kundi ang pagtiyak na makapanatili si Aquino sa pwesto, at ang umiiral na mapang-aping sistema," ani Arellano.

'Bilang isang pantawid na programa kontra-kahirapan, kalaunan ay poproblamahin ng papalit sa administrasyong Aquino at ng sambayanang Pilipino ang paglikha ng isang epektibong 'exit strategy' mula sa CCT para milyung-milyong pamilyang benepisyaryo ng programa," babala ng grupo.

Patuloy ang panawagan ng Kadamay para sa kagyat na pagbasura sa CCT, at nangako itong pakikilusin ang libu-libong maralita sa kalunsuran upang kakalampagin sa mga darating na mga araw ang mga opisina ng DSWD at ng National Anti-Poverty Commission para itulak silang magbalangakas ng mga konkretong hakbang upang sugpuin ang lumalalang kahirapan sa bansa. ###


Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay)
Militanteng Sentro ng Maralitang Lungsod sa Pilipinas
Reference: Gloria Arellano, national secretary-general (0921.392.7457)

No comments:

Post a Comment