Translate

Thursday, August 30, 2012

Maralita, sumugod sa malakanyang laban sa pagpapasabog sa kabahayan at pamamaslang sa mga lider

KALIPUNAN NG DAMAYANG MAHIHIRAP
 Militanteng Sentro ng Maralitang Lungsod
             12 Kasiyahan St, Don Antonio Heights, Brgy Holy Spirit, Quezon City
                 427.4315 | kadamay-natl.blogspot.com | kadamay_national@yahoo.com

PRESS RELEASE
AUGUST 30, 2012

Reference Carlito Badion, Kadamay National Vice Chair | 0939.387.3736
Maralita, sumugod sa malakanyang laban sa pagpapasabog sa kabahayan at pamamaslang sa mga lider

Matapos ang delubyong kinaharap ng mga maralita sa hagupit ng hanging Habagat at bagyong Igme, kinakaharap nito ang mas malalang delubyong ibubunga ng padalus-dalos na pahayag ni Noy noy Aquino na sapilitang pagpapalayas at pagpasabog sa kanilang kabahayan.

"Sa loob ng mahigit dalawang taon ng panunungkulan ng rehimeng Aquino, pinalala nito ang pagbaha dahil sa kawalan ng kongkretong plano upang epektibong maiwasan ang paulit ulit na pagbaha sa ating mga kumonidad at ang pagsugpo sa paparaming bilang ng nagugutom at nawawalan ng tirahan at kabuhayan,"ayon kay Carlito Badion, pambansang pangalawang pangulo ng Kadamay."Huwag niya kaming sisihin sa bawat pagbaha sa Metro Manila."
Lalong nangangamba ang grupo sa patuloy at pagtindi ng mga pampulitikang pamamaslang sa mga lider-maralita na tumitindig at lumalaban sa mga proyektong itatayo sa kanilang mga lupang panirikan
sa ilalim ng Public-Private Partnership o PPP. Gamit ang mga palusot sa mga huling trahedya ng pagbaha, aalisin sa mga "danger zones" ang mga maralitang nakatira dito na walang kongkretong paglilipatan at kabuhayan.
Sa tala ng grupo, umaabot na sa walo (8) ang bilang nga lider-maralitang pinaslang dito pa lamang sa kalakhang maynila, sa ilalim ng administrasyong Aquino dahil sa paglaban sa mga demolisyon at lokal na isyu sa komunidad.

Sa utos ni Aquino nitong nakaraan, wawalisin nito ang lahat ng maralita na nakatira sa Metro Manila, at papasabugin ng gubyerno ang mga bahay nito kung kinakailangan."Kung nais talagang bigyan ng parangal ni Aquino ang yumaong kalihim na si Jesse Robredo, ipatupad nya ang mga rekomendasyon nito kaugnay sa suliranin ng maralita sa pabahay. Ang pagbabasura sa "default option" ng gobyerno na relokasyon ang pinakamataas nitong pagpupugay na pwedeng ibigay kay Robredo.

Matatandaang ipinasa ni Robredo ang ulat at rekomendasyon ng Technical Working Group (TWG) na nag-aral hinggil sa suliranin ng informal settlers sa utos ni Aquino. Pero ayon kay Badion, "tatapatan ng milyun-milyong maralita sa bansa ng matinding paglaban ang hambog na pahayag ni Aquino". "Sa mahigit tatlong dekada na ng matinding kahirapan at kagutuman sa bansa, aasahan ng gubyernong Aquino ang ngitngit at pagdagsa ng maralitang lungsod sa lansangan para igiit ang kagyat na pagpapatalsik dito kung kinakailangan", ani Badion.

"Gawin na ni Aquino at ng kanyang among US ang lahat ng kanilang pwedeng gawin para wasakin ang aming mga kabuhayan at tirahan. Ngunit pipigilan namin sila. Dumanak man ang dugo, nakahanda kami sa mga tarangkahan ng aming mga komunidad", pagtatapos ni Badion.##

No comments:

Post a Comment