Translate

Monday, January 14, 2013

PNoy, walang pakialam sa paglaki ng bilang ng mga Pilipinong naghihirap -- Kadamay


Ito ang tinuran ng militanteng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap kaugnay sa panibagong pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong nagsasabing sila ay mahirap bago magtapos ang taong 2012.

Sa resulta ng survey na isinagawa ng Social Weather Station, nadagdagan ng aabot sa 1.4 milyong pamilya ang bilang ng mga pamilyang nagsabing sila ay mahirap mula sa bilang na 9.5 milyon noong Agosto. 54% ng populasyon ng bansa o  katumbas ng 10.9 milyong pamilyang Pilipino ang ngayon ay nagsabing sila ay mahirap..

Paliwanag ng Kadamay, nanatili ang kawalan ng tunay na programang mag-aangat sa kabuhayan ng mga Pilipino kung bakit dumarami ang naghihirap nating kababayan. Nakaasa lamang umano ang poverty alleviation program ng gubyerno sa Conditional Cash Transfer (CCT) sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.

Ani Gloria Arellano, pambansang tagapangulo ng Kadamay, "Ang patuloy na pagkandili ni Aquino sa CCT sa kabila ng kawalang-silbi nito ay nagpapakita lamang na wala talagang pakialam ang pangulo sa lumalalang kalagayan ng mga maralita," ani Arellano.

Sa kabila ng 5 taon ng programa ng CCT, nanatiling mataas ang tantos ng kahirapan at kagutuman sa bansa. Sapat na umano itong  batayan para baguhin na ng gubyerno ang taktika nito sa pag-aresto sa lumalalang kahirapan.

"Mula 2008 hanggang 2013, aabot na sa P120 bilyong piso ang ginagastos ng gubyerno para sa CCT, ngunit wala pa rin tayong nakikitang malinaw na pagunlad sa kalagayan ng mga maralita, sa halip ay lumala pa," dagdag ng lider.

Ayon sa SWS, ang mga tantos ng kahirapan at kagutuman sa huling bahagi ng taong 2012 kung kailan aabot na sa 3 milyong pamilya ang benepisyaryo ng CCT na siyang pinakamarami sa kasaysayan ng programa, ay mas mataas pa sa mga average na tantos ng kahirapan at kagutuman sa huling 14 na taon.  

Dagdag-pahirap

Pinalala pa umano ni Aquino ang kalagayan ng mga maralita sa kawalan ng plano ng gubyerno na lumikha ng mga trabahong aakma sa kakayahan ng higit sa 10 milyong maralitang walang trabaho, at sa pagmamatigas nitong ipako ang sahod ng mga manggagawa. 

Sa patuloy pa na pagtalikod ng gubyerno na maglalaan ng mga batayang serbisyo para sa mamamayan gaya ng planong pagsasapribado ng mga pampublikong ospital at iba pang serbisyo sa ilalim ng Public-Private Partnership, hindi lang dadami ang maghihirap na mga Pilipino, bagkus dadami rin sa kanila ang maagang mamamatay. ###

Reference: Gloria Arellano, Kadamay national chair, 0921.392.7457
                 

--
Kalipunan ng Damayang Mahihirap 
Militant Center of Filipino Urban Poor 
12-A Kasiyahan St., Don Antonio Hts., Brgy. Holy Spirit, QC

No comments:

Post a Comment