Translate

Tuesday, February 12, 2013

Isang komunidad sa Brgy Commonwealth, nahaharap bukas sa banta ng demolisyon


Matapos ang marahas na demolisyon noong nakaraang Hwebes sa Barangay Payatas B, Quezon City, isa na namang komunidad ng maralita ang nahaharap sa banta ng demolisyon bukas.

Ngayong gabi, maghahanda na ang mga residente ng komunidad ng Plastikan sa Dona Nicasia Sibdivision, Barangay Commonwealth laban sa posibleng pagpapalayas sa kanila ng lokal na pamahalaan ng Quezon City at ng isang private claimant na si Arsenio Lim, isang negosyanteng nagsasabing siya ang may-ari ng lugar. 

Noong Pebrero 3 ay nakatanggap ng sulat mula kay Arsenio Lim na nagbibigay sa kanila ng 10 araw na palugid upang kusang magbaklas ng kanilang tirahan. Bagamat walang kasamang court order ang nasabing notice, nangamba ang mga residente na matulad sila sa sinapit ng mga residente sa Narra St na dinemolis ng Task Force for the Control and Prevention of Illegal Structures and Squatting (TF COPRISS) sa ilalim ng Quezon City LGU ang kanilang kabayahan kahit walang court order.

Inaasahang magbarikada bukas ng umaga laban sa demolisyon ang mahigit sa 50 pamilyang nabubuhay sa paghuhugas ng mga plastik  sa isang estero sa loob ng Plastikan Compound.

Ayon kay Normelito Rubis, lider ng Samahan ng Nagkakaisa sa Plastikan-Kadamay, ang mga maralita ang pangunahing tinatamaan ng mga programang pangkaunlarang ipinapatupad ng gubyerno.

"Walang ibang hatid ang gubyernong Aquino sa mga maralita kundi ang demolisyon at pagtanggal ng aming ikinabubuhay. Biktima kami ng ipinagmamalaking pag-unlad ng ating pamahalaan," ani Rubis. ###

References: 
Normelito Rubis, SNP President, 0932.7208012
Jade Alarcon, Kadamay local organizer, 09205924945 

No comments:

Post a Comment