Translate

Thursday, February 7, 2013

Maralitang ginibaan ng bahay sa Payatas ngayong umaga, nanindigang hindi aalis


Kinondena ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang panibagong insidente ng marahas na demolisyon ng komunidad ng maralita sa Narra St cor Litex Road sa Barangay Payatas, Quezon City. 

Kaninang umaga, 15 bahay ang pwersahang giniba ng awtoridad matapos ang ginawang pagbabarikada ng mga maralita sa Litex Road upang pigilan ang pagpasok ng kapulisan at dalawang truck ng demolition team. Ilang minuto ring nagpalitan ng bato ang mga maralita at awtoridad bago tuluyang nagiba ang barikada ng mga residente. 

Isang lokal na lider ng Kadamay ang binugbog ng mga kapulisan matapos manguna ito sa pagpapalayas sa demolition team. Nagtamo si Norbelito Rubis, lider ng karatig-komunidad ng Plastikan, ng isang sugat sa ulo.

Ayon kay Carlito Badion, national secretary-general ng Kadamay, "Habang nananatili ang kawalang trabaho sa ilalim ni Aquino, patuloy pa ang ginagawa nitong pagpaparusa sa mga maralita sa mga demolisyon at pagtatapon sa kanila sa malalayong relocation sites."

"Hindi nakakagulat kung bakit napipilitan ang mga maralitang gumamit ng dahas para biguin ang demolisyon ng kanilang tirahan," ani Badion.

Isang expansion project ng katabing eskwelahan ng komunidad ang nasa likod ng demolisyon, ayon sa QC LGU. 

Planong ilipat ng lokal na gubyerno ang mga pamilyang nawalan ng tirahan patungo sa relokasyon ng National Housing Authority sa Rodriguez, Rizal.

Ngunit ayon kay Gloria Patanggi, presidente ng Pagkakaisa ng Mamamayan sa Narra St (PAMANA), hindi sila papayag na malipat sa mga kalbaryong relokasyon ng gubyerno sapagkat ikamamatay ito ng kanilang pamilya. 

"Muli naming itatayo ang aming tirahan na ilan taong naming ipinundar," pahayag pa ng lider.   

Iligal din umano ang ginawang paggiba ng awtoridad sa kanilang kabahayan dahil kasalukuyang dinidinig pa ang kaso hinggil sa pagmamay-ari ng lupa sa QC Regional Trial Court. ### 

Reference: 
Gloria Patanggi, PAMANA president, 0912.679.4362
Carlito Badion, Kadamay national sec-gen, 0939.387.3736 

No comments:

Post a Comment