Translate

Wednesday, February 13, 2013

Mga maralita, kinondena ang umano'y paglago ng ekonomiya sa ilalim ng administrasyong Aquino


Binarikadahan sa loob ng limang minuto ng iba't ibang grupo ng maralita sa ilalim ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang Litex Road sa Quezon City sa ganap na alas-9 ng umaga upang iparating sa pamahalaan ang kanilang pagkondena sa ipinagmamalaking paglago ng ekonomiya ng bansa sa ilalim ng administrasyong Aquino. 

Ayon kay Carlito Badion, national secretary-general ng Kadamay, sa halip na makinabang, nagiging biktima pa umano ang mga maralita ng maka-dayuhang pag-unlad na ipinamamarali ng administrasyong Aquino. 

Ang simbolikong barikida ng maralita ngayong umaga ay kasabay ng inilunsad na Philippines' Yearend Economic Briefing sa Philippine International Convention Center sa Pasay City na inaasahang daluhan ng kalakhan sa gabinite ni Pangulong Aquino. 

Ani Badion, ang paglago ng ekonomiya ng bansa ay bahagi ng mga nilubid na kasinungalin na naglalayong maluwag na bigyang daan ang pagpapatupad ng mga programang nakabatay sa neoliberal na globalisasyon na sumasalanta sa kabuhayan at paninirahan ng mga maralitang lungsod. Sa darating na mga araw, inaasahan umano ng Kadamay na mas titindi pa ang epekto sa maralita ng deregulasyon ng mga indutriya sa bansa tulad ng sa langis, at pribatisasyon sa mukha ng Public-Private Partnership tulad ng pagsasapribado ng mga impratraktura at serbisyo at pagpapalayas sa libu-libong maralitang lungsod mula sa kanilang komunidad. 

Ayon pa sa Kadamay, hirap na umanong makasabay sa pang-araw-araw ang mga maralita sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin dulot ng mga buwis na ipinapataw ng gubyerno at ng walang patid na oil price hikes. Sinasabayan pa umano ito ng pagtaas ng singil ng kuryente, tubig, transportasyon at nakaambang pagtaas ng halaga ng serbisyong pangkalusugan sa pagsasapribado ng aabot sa 30 pampublikong ospital sa bansa. 

Batay sa mga serbey ng Social Weather Station, sa loob ng aabot na sa tatlong taong panunungkulan ni Aquino, naitala ang papataas na tantos ng kahirapan na mula 47.5% noong 2010 ay naging 54% sa huling kwarto ng taong 2012 o katumbas ng 10.9 milyong pamilyang Pilipino. 

Dahilan ng tumitinding kahirapan

"Pangunahing nasa likod ng tumitiding kahirapan ng mamamayan ang kupad-pagong na pagpapatupad ng reporma sa lupa," ani Badion. Katunayan, ayon sa Ibon Foundation, pinakamababa ang average land distribution (14,942 ektarya kada buwan) sa termino ni Aquino sa lahat ng mga Pangulong post-Marcos. Nasa 66% pa ng naipamahagi sa ilalim ng Carper ang government lands at di iyong mga naglalakihang plantasyon o asyenda ng mga panginoong maylupa.

Taliwas din sa indiskasyon ng paglago ng ekonomiya, dumami ng aabot sa tatlong milyon ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa panunungkulan ni Aquino--mula 9.5M noong 2010, ngayon ay 12.1M na. 

Ayon naman sa Bagong Alyansang Makabayan, malalaking burgesya-kumprador, panginoong maylupa at mga dayuhang korporasyon lamang ang nakikinabang sa ipinamamaraling paglago ng ekonomya ng administrasyong Aquino. Makikita ito sa lumalaking yaman ng pinakamayayamang negosyante sa bansa at ng mga transnational corporations (TNCs) na may operasyon dito. Sa datos ng magasing Fortune, tumalon ang pinagsama-samang yaman ng 40 pinakamayayamang Pilipino mula sa $22.8 bilyon noong 2009 tungong $34 bilyon noong 2010 at $47.43 bilyon noong 2011. 

Dapat umanong managot ang administrasyon Aquino sa ginagawa nitong pagbabaon sa mga maralita sa kumunoy ng kahirapan, ayon sa Kadamay. Nangako ang grupo na umpisa pa lamang ang isinagawa nilang pagkilos ngayong araw ng mas malalaki pang mga protesta ng maralita laban sa mga neoliberal na patakaran tulad ng liberalisasyon, deregulasyon at pribatisasyon na pilit niraratsada ng administrasyong Aquino sa dikta ng Estados Unidos at mga imperyalistang insititusyon tulad ng IMF-World Bank. ###

No comments:

Post a Comment