Translate

Saturday, April 25, 2009

Balut vendors?

Maralitang grupo, umalma sa diumano'y kinakatawan ng bagong-hirang na partylist rep

Umalma ang maralitang grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa inaangkin ng bagong-hirang na party-list representative Ma. Lourdes Arroyo ng grupong Kasangga, na kinakatawan diumano ng kanyang grupo ang mga manininda ng balut at mga lobo, o aniya’y mga “small entrepreneurs.”

“Halos araw-araw tayong may nababalitaag mga vendors na idinedemolis, itinataboy at ninanakaw pa ang mga paninda. Ni minsan ba ay narinig nating nagsalita ang grupong ito?,” ani Jon Vincent Marin, tagapagsalita ng Kadamay.

Aniya, isang “insulto” sa party-list system at sa tunguhin nitong magkaroon ng representasyon ang mga marginalized sectors sa lipunan ang pagkakahirang ng grupong ito at ilan pa sa mga nakapasok dahil sa huling Supreme Court ruling, kabilang na ang Bantay Party-list ni Jovito Palparan, pagkat malinaw ang “kamay” ng administrasyong Arroyo sa likuran ng mga grupong ito kaya naman sila nakatakbo at nagkaroon ng boto.

Pang-apat na Arroyo na si Ma. Lourdes sa Kamara, sumunod kina Mikey at Dado Arroyo na mga anak ng Pangulong Arroyo, at Iggy na kapatid din ni FG Mike Arroyo.

“Hinahamon namin itong si Lourdes Arroyo, kung totoo ngang nirerepresenta mo ang mga vendors, magsalita ka laban kay [MMDA Chairman] Bayani Fernando, na kilalang tuta ng iyong hipag na si GMA,” ani Marin. “Kundenahin mo ang ginagawang pandarahas at pang-aabuso sa kanila, at makiisa ka sa kampanya namin para kilalanin silang lehitimo ng pamahalaan at igalang ang kanilang karapatan.”

Itinayo kamakailan ng Kadamay ang Manininda Laban sa Ebiksyon at Pang-Aabuso (ManLaban), isang campaign center para sa karapatan ng mga vendor. Kinakatawan ang Kadamay ng Anakpawis Party-list sa Kongreso.

No comments:

Post a Comment