

Salita at mga kuha ni Ilang-Ilang D. Quijano
MATAGAL na silang naninirahan nang ganito. Sa mga kubol na kung tawagin ay tumbalik. Kapag giniba sa umaga, itatayo na lang muli sa gabi. Tila walang pinagkaiba sa libu-libo pang maralita sa lungsod na walang sariling tirahan at nabubuhay sa mga laylayan.
Pero sa gabing iyon ng Marso 29, may nangyaring kakaiba. Nagsindi ng tig-isang kandila sa harap ng kani-kanilang kubol ang mga maralita sa kahabaan ng Geronimo St., Sampaloc, Maynila. Simpleng simbolo ito na hindi nila basta-basta tinatanggap ang kahirapan bilang walang katapusang kapalaran.
Maisan kung tawagin ang lugar. Karamihan kasi sa halos 200 pamilyang naninirahan dito, ikinabubuhay ang pagbebenta ng mais, gayundin ng iba pang prutas gaya ng pinya at mangga. Inilalako nila ang mga paninda sa matataong kalsada ng Maynila at Quezon City. Nakasanayan na nila ang walang pirming puwesto, walang pirming kita, walang pirming bubong sa kanilang ulunan maging sa tinatawag nilang tahanan.
Ang mga gamit ng 55-anyos na si Marilou Ibanez, pirmi nang nakapatong sa isang karitong katabi ng kapirasong kahoy na nagsisilbing tulugan ng kanyang pamilya. Tolda lamang ang panangga sa init ng araw at lambong ng gabi. Ayon kay Marilou, mabilis silang mag-impake kapag dumating na ang mga taga-city hall para sabihing “o, demolish muna tayo,” dahil darating ang meyor o iba pang importanteng opisyal.
Matapang si Marilou. Di niya hinahayaang basta-basta na lamang makuha ng mga nagdedemolis ang kanilang kahoy at tolda, na ginagawa sa ibang pamilyang mas kimi sa pagtatanggol ng tahanan. Kaya naman siya ang hinirang na presidente ng Samahan ng Kapitbahayan sa may Geronimo, organisasyong kanilang itinayo nang maugnayan ng mga aktibistang estudyante mula sa Anakbayan, ilang taon na ang nakaraan.
Pana-panahon, lumalahok ang mga taga-Geronimo St. sa malalaking rali. Pagtindig daw nila ito laban sa matinding kahirapan.
“Dati, hindi talaga ako sumasali sa mga rali na 'yan dahil takot ako. Tapos dumating nga 'yung mga estudyante dito at nagpaliwanag. Doon ko lamang narinig 'yung tama. Ngayon, alam ko nang dapat nilalabanan ang nakikitang pang-aapi sa mahihirap,” ani Marilou.
May 25 taon nang naninirahan sa lugar ang pamilya Ibanez. Sa pagdaan ng panahon, lalong sumasadsad ang kanilang kabuhayan. Ni hindi na nila makayanang magbenta ng mais gaya ng dati. Aabot sa P800 kasi ang puhunan sa bawat sakong araw-araw na ibinabagsak ng suplayer. Hindi madalas nauubos ang inilulutong isang banyera. May gastos pa sa gas na pangluto at margarine na pampalasa. Marami sa mga nagtitinda, kung tutuusi’y lugi pa.
Wala pa sa kuwenta ang lagay sa pulisya. “Iba-iba, kadalasa’y P20 kada araw tapos P150 pagsapit ng Biyernes. Minsan aabot ng P500. Hindi naman kami binibigyan ng lugar na puwedeng magtinda. Doon daw sa loob ng palengke, ang mahal-mahal naman ng renta,” ani Marilou.
Kaya ngayon, naglalabada na lamang siya, habang nagtatrapik naman ang kanyang asawang si Ben. Kapos ang kanilang kinikita para sa pagkain ng pamilya at pagpapalaki ng dalawang maliliit na apo.
Karay-karay ni Marilou habang nagkukuwento ang anim na taong apo na si Ron-Ron. Makulit ito, aniya, at dahil sa pagsama sa mga kilos-protesta ay natutunang magalit kay Pangulong Arroyo. Nag-iimbento umano ito ng mga kanta kontra sa Pangulo, at nabubuwisit kapag nakikita ito sa TV. Hindi pa man lubusang maintindihan ng kanyang murang kaisipan, ramdam na ng bata ang kaapihang dinaranas at malamang ay daranasin pa.
Itinuturo ni Marilou ang dalawang kabataang lalaking nagdaan na may bitbit na mga sako ng boteng plastik. “Hindi na nag-aaral ang mga iyan. Nangangalahig na lamang. Paano, walang pambayad sa eskuwela,” aniya.
Gaya ng iba pang maralitang komunidad sa Kamaynilaan, minsan na rin silang inakit ng gobyerno ng relokasyon. Pero sa Bulacan kung saan ipinatapon ang marami, walang mapagkikitaan at hindi rin libre ang pangakong pabahay. Kaya nagsibalikan din sa tahanang orihinal – kahit iilang “tumbalik” na piraso ng kahoy at tolda lamang. Basta’t sa umaga’y makagigising at makapaglalakbay sa masisikip na kalsadang balon ng tingi-tinging kita.
Mapayapa ang Maisan, maliban kung may holdaper na tumatakbo papasok sa kanilang komunidad. Kapag nangyari ito, nagsosona ang pulisya. Ikinukulong ang lahat ng mga kabataang lalaking maaaring paghinalaan. Kahit ang banyera ng mga manininda, pinagdidiskitahan at kinukumpiska.
Minsan, naglunsad ang mga maralita ng pangkulturang pagtatanghal sa basketball court, sa okasyon ng anibersaryo ng Anakbayan. Biglang nagpatawag ng maraming pulis at isang fire truck ang pinosisyon sa loob ng komunidad. Napilitan silang tapusin nang maaga ang aktibidad, kahit anila’y wala naman silang ginagawang masama.
Pagsapit ng hapon, umikot si Marilou sa mga kubol sa Geronimo St. Kasama ang mga miyembro ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), ipinaliwanag nila ang noo’y isang nalalapit na kilos-protesta. Kabilang sa sampung-puntong adyenda na inihahapag ng Kadamay sa gobyernong Arroyo para maaksiyunan ay ang makataong pagtrato sa mga maninindang gaya nila at ang karapatan sa sariling paninirahan. “Rebolusyonaryong pagbabago” ng lipunan ang kanilang adhikain.
Unti-unti nang nakukumutan ng dilim ang mga kubol. Inililigpit na sa mga sako ang nagkalat na mga mais. Nagsimula nang manggatong para sa ihahaing hapunan. Hindi na binubuhay pa ng lokal na pamahalaan ang mga poste ng ilaw sa Geronimo St. Tila kalabisan nang ibigay pa ito sa mga maralita na para sa kanila’y nagnanakaw lamang ng espasyo sa siyudad. Nanggagaling ang tanging liwanag mula sa isang katabing pribadong parking lot.
Pero sa sama-samang pagsindi ng mga kandila, bahagyang lumiwanag ang mga mukhang sanay magtago sa mga anino ng karalitaan. Bahagyang sumiklab ang pag-asa.
No comments:
Post a Comment