This was prepared by Kadamay for a vendors' dialogue with a QC agency, but just as well captures its position on many key points of the whole sidewalk and ambulant vendors issue.
Nagsisimula at nagtatapos ang batayang suliranin ng mga vendors sa iisang usapin - ang pagkilala sa kanila ng pamahalaan bilang mga lehitimong naghahanapbuhay, na magmumula sa pagkilala sa kanilang katayuan bilang mga maralitang-lungsod.
Oo nga't sila'y "iligal"; mismong ang mga vendors ang nakauunawa at kumikilala nito, na, sa mata ng batas, ipinagbabawal ang pagtitinda sa mga bangketa, footbridge, at iba pa. Ngunit ang "iligal" na pagtitinda ay hindi maihahalintulad sa pagnanakaw o pagtutulak ng droga, bagay na itinuturing ding "iligal"; liban sa kanilang lugar na pinupwestuhan, ang kanilang hanapbuhay ay marangal, at walang sinumang sinasaling o pinagsasamantalahan.
Kung gayon, wasto ba ang nagiging trato ng mga awtoridad sa kanila?
"Arbitraryong" at abusadong pagpapatupad
Ang unang nagiging epekto ng kawalan ng pagkilala ay ang pagiging "arbitraryo" sa kanila ng mga tagapagpatupad ng batas, sa lahat ng antas. Minsan hinuhuli, minsan hindi. Iba't iba ang nanghuhuli, mula sa mga BPSO (Barangay Public Safety Officers) at mga tauhan sa barangay-level, DPOS (Department of Public Order and Safety) ng Quezon City, mga pulis, hanggang MMDA, na tila ayon lamang sa kanilang kapritso o kagustuhang manghuli. Tinatawag na "iligal" ang mga vendor ngunit sinisingil sila ng sari-saring mga bayarin, hayagan man o hindi, ng iba't iba ring mga ahensya. Kinukumpiska ang kanilang mga paninda, pero wala namang kinakasuhan.
Sa isang artikulo na inilathala sa "The Guidon", ang pahayagang pang-mag-aaral ng Ateneo de Manila University, ikinapanayam ang mga nagtitinda ng mais sa bangketa ng Katipunan Avenue. Anang isang manininda, "Maglalagay ka. Kukuha ng permit. Tapos huhulihin din. Eh di huwag na lang."
Mayroon diumanong "hawkers'permit" galing sa City Hall na binabayaran ng ibang mga vendor, ngunit hindi naman ito ginagalang ng ibang mga ahensya gaya ng MMDA. At dito din sa nabanggit na artikulo, ayon mismo sa isang pinuno ng COPRISS, ang hawkers'permit ay nagbibigay lamang ng "semblance of reality" o kunwa-kunwariang pagsasaligal para sa mga manininda, pero sa katotohanan, ito ay "graft and corruption."
Ayon sa aming mga miyembro sa Samahang Muslim-Christian Manininda sa Litex-Manggahan (SMCMLM), naniningil ang isang "Quimpo" (na isang upisyal diumano ng Hawkers' Division sa Litex area) ng hanggang P3,000-P4,000 kada isang metro sa itinuturing na 'pwesto' ng mga manininda doon, ngunit wala namang ibinibigay na resibo o anumang 'permit'. Hindi rin garantiya ang pagbabayad na ito na hindi huhulihin ang mga vendor ng mga pulis o MMDA.
May mga ulat din ng paniningil ng 'butaw' ng mga pulis at mga tauhan ng barangay.
Nariyan din ang tampok na kaso ng tinagurian naming 'Sandigan 7', pitong manininda sa Sandiganbayan footbridge na pawang mga lider o kasapi ng itinayo naming umbrella group ng mga samahang vendor, ang ManLaban o Manininda Laban sa Ebiksyon at Pang-Aabuso, na biglaang sinalakay ng mga tauhan ng Brgy Batasan Hills noong umaga ng Mayo 16, tinangay ang kanilang mga paninda na halos P80,000 ang kabuuang halaga, at sinunog sa harapan ng tanggapan ng barangay. Ito ay inamin mismo ng kanilang kapitang si Rannie Ludovica.
Walang abiso o warning sa kanila para umalis, at walang paliwanag kung bakit iyon isinagawa, at sa araw na iyon. Ito ba ay dahil tumatanggi silang magbayad sa singil ng barangay? Dahil sa paglahok nila sa aming samahan? Personal na galit? Ang masaklap dito, inutang lamang ang kalakhan ng puhunan para sa mga panindang sinunog. Paano ito babayaran ng mga manininda?
Sa madaling sabi, ang kawalan ng pagkilala sa mga manininda ay nagbibigay-daan para sa "abuse of authority" ng mga tagapagpatupad ng batas, upang isagawa ang iba't ibang anyo ng pang-aabuso't pang-aapi sa kanila. Dito pa lamang, sa ganang amin, marami na sa mga awtoridad ang dapat managot.
Pangangailangan ng pagkilala
Ano'ng tipo ng pagkilala ang aming tinutukoy dito? Pagkilala 'di lamang sa anyo ng mga alituntunin at regulasyon, kundi sa pagproteksyon sa kanila ng batas at paggalang sa kanilang mga karapatan, gaya ng sinumang lehitimong naghahanapbuhay. Higit sa lahat, pagkilala sa kanilang katayuan bilang mga maralita.
Sa mata ng batas, ang pagiging "ligal" na vendor ay ang pagkakaroon ng ganap na pwesto sa mga pribado o pampublikong pamilihan, na inuupahan nito at nakarehistro sa lukal na pamahalaan. Upang makamit ito, dito sa Quezon City, kailangang magparehistro sa MDAD (Market Development and Administration Department) ayon sa kanilang "Pormularyo para sa Pagpapatala ng Manininda."
Una, kailangang kilalanin ng pamahalaan na gustuhin mang pumaloob sa isang "ligal" na pwesto ang bawat manininda, lubhang mahal ito para sa kanila lalo't kung titignan ang karampot nilang kinikita sa araw-araw. Kaya't karamihan ay pinipiling maging sidewalk o ambulant vendor, para makapaghanapbuhay nang walang mabigat na bayarin.
Dito pumapasok ang pangangailangang kilalanin ang mga manininda bilang mga maralitang-lungsod, unawain ang kanilang sitwasyon at iangkop ang proseso upang mapadali ito para sa kanila, sa halip na maging pabigat pa ito sa kanilang pagnanais na maghanapbuhay.
Ikalawa, napakahigpit din ng mga pinapataw na kundisyon ng pormularyo ng MDAD para sa pagpapasaligal ng mga manininda. Sa talakayan ng aming grupo, narito ang mga kundisyon na aming tinututulan:
- ang pagsusuot ng uniporme, na dagdag pang gastusin at wala namang direktang epekto sa kanilang hanapbuhay;
- ang limitasyon sa uri ng paninda. Kahit mismong paninda ng mga vendor ay nagbabago ayon sa panahon, suplay, at pangangailangan dito ng publiko, pati ng kakayahan nilang bilhin ito sa mga pinagkukunan;
- ang pagbabawal sa pagtitinda ng ukay-ukay (Bakit?);
- ang limitasyon sa oras ng pagtitinda. Upang tumubo o makabawi man lang sa puhunan, at ayon na rin sa nakasanayang oras ng pamimili ng ilang mamimili, kinakailangan kadalasang manatiling bukas hanggang alas-10 o alas-11 n.g.;
- ang pagbabawal sa pagsamba. Batid nating may takdang oras ng pagsamba sa bawat araw ang mga kapatid nating Muslim, bakit kailangang bawalan ito?
- higit sa lahat, ang tinatakdang mga bayarin, na kadalasa'y masyadong malaki para sa mga maralitang manininda.
Hiling naming i-rebisa, kung hindi man tuluyang pawiin, ang mga probisyong ito na sa ganang amin ay nagiging hadlang para sa tuluyang pagsasaligal at pagkilala sa mga maralitang manininda.
Mga rekomendasyon
Batid naming para tuluyang maisaayos ito ng lukal na pamahalaan ng Quezon City, sa pangunguna ng MDAD, kakailanganin ng oras at pakikipag-ugnayan sa iba't ibang mga ahensya. Ngunit hindi rin maaaring magpatuloy ang kasalukuyang kalakaran ng arawang pangamba ng mga vendor sa susunod na pagsalakay sa kanila ng mga awtoridad, at maging ang iba pang anyo ng mga pang-aabuso gaya ng mga singilan.
Kaya't ang pinakamahalaga naming kahilingan ay, habang inaayos ito ng gubyerno ng QC, hayaan munang makapagtinda ang mga vendor sa kanilang karaniwang pinupwestuhan, nang may seguridad na walang manghuhuli sa kanila mula sa anumang ahensya.
Sa gaganaping dayalogo, dapat makapagbuo ng kasunduan ang MDAD at ang mga vendors para dito, at tiyakin din ang mga mekanismo para maipaabot ito sa iba pang mga kinauukulan.
Sa madalian, at sa pangunguna din ng MDAD, kailangang ipatawag ang isang inter-agency meeting sa pagitan ng mga tanggapan na may kinalaman sa usaping ito, kabilang ang pulisya, ang mga barangay LGU ng Commonwealth at Batasan Hills, ang QC LGU, MMDA, at iba pa.
Ito ay sa tanaw na tuluyang maresolbahan ng MDAD ang suliranin sa mga "iligal" na vendor, maaari sa pag-uukol ng mga ligal na pwesto para sa kanila, o magtalaga ng mga permanenteng vending sites, o iba pang maaaring pagkasunduan.
Sa malapit ding hinaharap, kailangan itong pag-usapan sa antas ng Quezon City Council upang makapaglathala ng isang malinaw na ordinansa sa pagkilala sa mga maralitang manininda, kabilang ang pagtatakda ng mga prosesong paborable sa kanila, at nagbibigay din sa kanila ng proteksyon laban sa mga mapang-abusong awtoridad.
Sa Kamara, may nakasalang nang panukalang batas para dito (HB 4978, inilathala ni Rep. Edno Joson). Maaaring gamitin itong batayan ng mga konsehal upang makalikha ng kahalintulad na ordinansa dito sa Quezon City.
Kung nakikita ng isang miyembro ng Kamara de Representante na maaaring ipatupad ito sa buong bansa, diyata't lalong posible ito sa saklaw lamang ng isang lunsod.
No comments:
Post a Comment