Translate

Thursday, May 28, 2009

The Vendors Mega-Post

For reference among those interested in the 'Sandigan 7' vendors saga, and in the plight of vendors in general.


NEWS RELEASE
May 25, 2009

‘Sandigan 7’ v. Brgy Capt. Ludovica: "Landmark" na kaso sa pang-aabuso sa mga vendors

Kung ang grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang tatanungin, ang kaso ng tinagurian nilang 'Sandigan 7' vendors ay siyang magiging “landmark” na kaso na maaaring pagmulan ng mga pagbabago sa pagtrato at pakikitungo ng gubyerno sa mga maralitang manininda.

Ito ang pahayag ngayon ng grupo sa isinagawa muli nitong rali sa tanggapan ni Batasan Hills Brgy. Capt. Rannie Ludovica, upang kumprontahin ito sa mga masasamang salitang binitiwan nito noong unang nagrali doon ang grupo Mayo 20.

"Komunista" at "namemera sa mga mahihirap" ang ilan lamang sa mga akusasyon na ipinukol ni Ludovica sa grupo, habang nagsisisigaw at nagdududuro sa mga nagpoprotestang manininda.

Unang nagrali doon ang grupo dahil na rin sa ginawang karahasan at paglabag sa karapatang-tao ng pitong manininda sa Sandiganbayan footbridge sa Commonwealth Avenue, kung saan pwersahang tinangay at sinunog ang kanilang mga paninda ng mga tauhan ng Barangay Batasan, noong Mayo 17.

Ang pitong vendor, na pawang mga Muslim at mga kasapi ng Manininda Laban sa Ebiksyon at Pang-Aabuso (ManLaban), isang umbrella group ng mga samahang manininda na itinayo ng Kadamay, ang siya ngayong binansagang 'Sandigan 7' ng grupo.

"Hindi namin titigilan ang kasong ito at dadalhin ito sa iba't ibang larangan, mapa-korte, sa [Commission on] Human Rights, sa lansangan. Kailangan mayroon na talagang pagbayarin sa mga pang-aabuso sa mga vendor, at pagmulan ng mga malawakang pagbabago sa pagkilala sa kanila ng pamahalaan," ani Carmen "Nanay Mameng" Deunida, chairman emeritus ng Kadamay at personal na dinaluhan ang pagkilos ngayon laban kay Kap. Ludovica.

Giit ng 'Sandigan 7', bayaran ang mga nawalang paninda at maglabas si Ludovica ng public apology para sa naging aksyon niya at ng kanyang mga tauhan, pati na ang inasal niya laban sa grupo nang una itong nagprotesta doon.

Layunin ng Kadamay, makapag-takda ang kaso ng 'Sandigan 7' ng 'precedent' upang tuluyan nang kilalanin ang pagtitinda bilang lehitimong hanapbuhay na may buong proteksyon ng batas. ##


NEWS RELEASE
May 20, 2009

‘Sandigan 7’: Simbolo ng pang-aapi sa mga maralitang manininda
‘Anong klaseng lipunan ito at kailangan pang pagdusahan ang pamumuhay ng marangal?’

Ang mapait at nakapanggagalit na karanasan nina Diamond Kalaw, Juan Caingles, Dondon Pasandalan, Ebo Mariano, Hasim Dimna, Vicente Balderama, at Ripag Tabea, pawang mga Muslim vendor sa overpass ng Sandiganbayan, Commonwealth Avenue, QC, ay ‘di lamang isang hiwalay na insidente ng pang-aapi sa mga manininda. Pana-panahon kung makuha ang ating atensyon ng mga ganitong sigalot sa istorya ng mga vendor, ngunit sa katotohanan, sa likod ng mga maiingay na lansangan at pamilihan, ito ay permanente nang tema sa buhay-pagtitinda: ang pagdanas ng parusa sa pamumuhay lamang ng marangal.

Bitbit ang kanilang sinumpaang salaysay na inihanda ng Karapatan at isinampa noong Lunes sa Commission on Human Rights (CHR), sumugod ang pitong manininda, na tinagurian ng kanilang grupong ‘Sandigan 7’, at ang kanilang mga kasamahan sa Manininda Laban sa Ebiksyon at Pang-Aabuso (ManLaban) at Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa barangay hall ng Batasan Hills, upang singilin si Kap. Rannie Ludovica at mga tauhan nito sa ginawang pagtangay at panununog sa kanilang paninda nitong nakaraang Sabado.

Hindi bababa sa halagang P80,000 ang panindang kabuuang nawala sa pito, na karaniwang inuutang lamang ang kanilang pampuhunan. Kabilang dito ang halos P50,000 sa pagitan lamang nina Kalaw at Caingles, na pawang mga lider ng ManLaban.

Giit ng grupo na dapat bayaran ni Ludovica ang nawalang halaga at maglabas ng public apology sa naging pagkilos niya at ng kanyang mga tauhan, samantalang balak din ng pito na sampahan ito ng kaso. Kailangan din umano nitong gumawa ng kungkretong hakbang sa pagkilala sa ManLaban at sa karapatan sa pagtitinda sa kanyang lugar, laluna’t hinala ng grupo na pinag-initan lamang ang pito sa kanilang pagiging aktibo sa ManLaban.

‘Mga pagbabago sa pambansang antas’
Samantala, nanawagan din ang Kadamay na panahon nang magkaroon ng “mga pagbabago sa pambansang antas” upang kilalanin ang pagtitinda bilang lehitimong hanapbuhay at may buong proteksyon ng batas.

“Sa lahat ng antas ng pamahalaan mayroong ginagawang pang-aabuso sa mga vendor, mula sa MMDA at mga pulis, mga pamahalaang-lungsod, at pati mga barangay tanod gaya dito sa ‘Sandigan 7’,” ani Bea Arellano, pangkalahatang kalihim ng Kadamay. “Nararapat nang magkaroon ng kungkreto at malawakang pagbabago, sa pambansang antas, para sa pagkilala sa mga vendors at proteksyon sa kanila ng batas, gaya ng sinumang naghahanapbuhay.”

Inaaral na ngayon ng Kadamay ang pagsusulong sa Kongreso, sa pamamagitan ng Anakpawis Party-list, ng mga resolusyon o panukalang batas para sa layuning ito.

“Kung kinakailangang isulong ang kaso ng ‘Sandigan 7’ at dikdikin ito sa atensyon ng pamahalaan, nakahanda kaming gawin ito,” ani Arellano.

Nanawagan din ang Kadamay sa lahat ng mga vendor sa Kamaynilaan at iba pang lunsod na magbuo ng mga samahan at sumapi sa ManLaban, upang buuin ang isang malakas na kilusang manininda at tuluyan nang mawakasan ang nasabing “pagpaparusa sa pamumuhay ng marangal.”##


NEWS RELEASE
May 18, 2009

Isa na namang kaso ng pang-aabuso sa mga vendor
Higit P80,000 halaga ng mga paninda, inagaw at sinunog ng mga barangay tanod

Isang kaso na naman ng pang-aabuso at paglabag sa karapatang-tao ng mga maralitang vendor ang naganap noong Sabado sa overpass ng Sandiganbayan, Commonwealth Avenue, Quezon City, kung saan higit P80,000 halaga ng mga paninda ang inagaw sa pitong vendor at sinunog ng mga tanod ng Brgy. Batasan Hills.

Bunsod nito, nagsagawa ng piket-pagdulog ang mga vendor at iba pang kasapi ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa Commission on Human Rights (CHR) ngayon upang singilin ang mga responsible dito at igiit ang pagkilala sa pagtitinda bilang lehitimong hanapbuhay, na may buong proteksyon ng batas.

Ayon kay Diamond Kalaw, tagapagsalita ng grupong Manininda Laban sa Ebiksyon at Pang-Aabuso - Kalipunan ng Damayang Mahihirap (ManLaban-Kadamay) at isa mismo sa mga nabiktimang manininda, dakong alas-7 n.u. noong naturang araw walang anu-ano’y sinalakay sila ng mga taga-Barangay Public Safety Office (BPSO) ng Brgy. Batasan Hills, inagaw ang kanilang mga paninda at dinala sa tanggapan ng barangay, at doon binuhusan ng gasolina at sinunog.

Pinilit pa umano nilang pigilan ang mga tanod at bawiin ang kanilang paninda, ngunit hindi na nila ito nagawa hanggang mapunta sa abo ang malaking halaga na kalakha’y inutang lamang ang puhunan.

“Saan na kami pupulutin ng mga anak ko, sa kangkungan?,” bulalas ni Kalaw, na inagawan ng nagkakahalagang P11,700 na sari-saring mga paninda, gaya ng suklay, tooth brush, tawas, at iba pa.

Si Juan Caingles, isa ring vendor sa naturang overpass at kasapi rin ng ManLaban, ang pinakamalaking nawalan sa halagang P36,000 ng 760 pirasong salamin sa mata, na kalalatag lamang niya noong naganap ang insidente.

Ayon pa kay Kalaw, matagal nang walang nagaganap na hulihan sa bahaging ito ng Commonwealth at walang ring abiso ang aksyon na ito ng Brgy Batasan, kaya’t pinaghihinalaan nilang may ibang motibo ang barangay laban sa kanila. Maaaring konektado din ito sa pagbubuo nila ng grupo at pagsapi sa ManLaban.

Ayon naman kay Jon Vincent Marin, tagapagsalita ng Kadamay, “sobra-sobra na” ang ginagawang pagmamaltrato sa mga maralitang manininda at kinakailangan nang magkaroon ng malinaw na mga batas na kumikilala sa kanilang hanapbuhay bilang lehitimo, at pumoproteksyon sa kanila laban sa mga pang-aabuso.

“Napaka-arbitrary ng lahat pagdating sa mga sidewalk vendor. Tinatawag silang iligal pero sinisingil sila ng hawkers division ng mga pamahalaang lungsod. Kinikikilan pa sila ng mga nasa barangay at anu-ano pang mga ahensya, pero ‘pag maisipan silang tanggalin tinatanggal sila, o mas malala pa gaya ng kasong ito,” ani Marin.##


For references:
Bea Arellano, Kadamay Secretary General | 0921.392.7457
Diamond Kalaw, Manlaban Spokesperson | 0910.368.9578
Jon Vincent Marin, Kadamay Information Officer | 0910.975.7660

1 comment:

  1. Mmmm???? I think kasalanan din yan ng side walk vendor. bakit po kamo? sa batas po talagang bawal mag tinda sa daanan ng tao kaya nga po tyo may palenke para dun po tyo mag tinda.

    Kung sinasabi nyo naman na may na ngingkil sa inyo eh kasalanan nyo rin po yun. bakit kamo? bakit po kyo nag bibigay? Eh kung yung mga nilalagay nyo sa mga kotongers nayun eh pinang rerenta nyo sa palengkehan eh di sumatotal dun na kyo sa lega in short ipunin nyo yung binibigay nyo sa mga na ngongotong eh di yun din sana ang pang bayad upa sa legal na palengkehan.

    Ano po ba gusto nyong batas? eh kyo nga po ang sumasalungat sa batas... kung na aabuso po kyo ng MMDA eh sadyang ginagawa lang nila ang trabaho na na uukol sa batas.........

    At ang pinaka huli HINDE PO PALENGKE ANG OVERPASS MAG ISIP NAMAN PO KYO NAKAKA PERWISYO DIN KYO SA DAANAN NG TAO. KYO ANG SUMUNOD SA BATAS HINDE ANG BATAS ANG SUSUSNOD SA INYO.

    NO SIDE WALK VENDOR

    ReplyDelete