Translate

Monday, September 21, 2009

Bagong kahulugan ng KSP: "Kamatayan Sa Pagkapangulo" ni VP Noli De Castro


Bulaklak ng patay, iaalay para sa presidential aspirations ni VP Noli De Castro

TODAY, Sept. 21, entrance ng Tierra Pura Subdivision, Tandang Sora Ave.
10 AM assembly sa Tandang Sora cor. Commonwealth Ave.
Please contact Jon Vincent Marin, Kadamay PIO (0910.975.7660)

For morning release:

Bagong kahulugan ng KSP: "Kamatayan Sa Pagkapangulo" ni VP Noli De Castro

Bulaklak ng patay ang ihahatid ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa gate ng Tierra Pura subdivision sa Tandang Sora Ave., Quezon City, kung saan nakatira si Bise Presidente at Housing Czar Noli De Castro, para umano sa pag-asang magiging pangulo pa ito na bansa.

Ito ay matapos tawagin ni De Castro na 'KSP' o 'kulang sa pansin' ang mga kasapi ng Kadamay-Southern Tagalog na nagprotesta laban sa kanya sa Los Banos, Laguna, at sinabihang "tamad" ang mga maralitang hindi nakakabayad sa mga housing loans at nagbantang palalayasin ang mga ito.

"Bukod pa sa pagiging arogante at napaka-kitid ng isip ni De Castro, ang mas malalim na isyu dito ay kung bakit nga ba ginagawang negosyo ang pabahay. Ang paninirahan ay karapatan, na dapat ipinagkakaloob nang libre bilang serbisyo ng gubyerno," ani Leona "Nanay Leleng" Zarsuela, pambansang tagapangulo ng Kadamay.

"'Yung pananalita niyang nagpakita ng kawalang-pag-unawa at kakitiran ng kanyang isip tungkol sa kalagayan ng mga maralitang-lungsod, ito na lamang ang huling pako sa kabaong, 'ika nga. Pero matagal na naming inilibing ang anumang pangarap niya na maging pangulo ng bansa, dahil matagal na niyang nilalapastangan ang karapatan sa paninirahan ng mga mahihirap," dagdag ng lider.

Pinabulaanan din ng grupo na 'katamaran' ang dahilan kaya't hindi nakakabayad ang mga maralita sa mga housing loans ng gubyerno.

"May nililikha bang trabaho ang gubyerno na tiyak at nakabubuhay ang sahod? Nakikita n'yo naman kung pa'no nabubuhay ang maraming maralitang-lungsod... sidewalk vendor, tsuper, kargador, labandera, driver ng tricycle o pedicab, mangangalahig ng basura. Kahit 'yung mga ineempleyo kuno ng gubyerno na mga MMDA o street sweeper, wala pa sa minimum ang ipinapasahod. Ang kinikita nila ay kulang na kulang pa sa pang-araw-araw na pangangailangan. Pa'no n'yo maaasahang makabayad ang mga ito?," ani Nanay Leleng.

Lalo lamang umanong ipinakita ni De Castro ang kanyang pagiging "kontra-maralita" sa kanyang "ignoranteng" tingin sa matinding problema ng kahirapan.

"Talaga naman ngang 'KSP' ang mga maralitang-lungsod - kulang sa pansin ng gubyerno. Pero kung ang pansin lang na inuukol mo ay ang pagkakitaan sila at tawagin silang 'tamad' kapag hindi mo na masingil, wala kang karapatang maging susunod na pangulo ng bansa," wika ng lider patungkol kay De Castro.

Hamon sa mga 'presidentiable'

Naglabas din ng hamon ang Kadamay sa mga pumo-postura nang tatakbo para sa pagkapangulo ng bansa sa susunod na taon, kung kaya umano nilang ipatupad ang mga batayang panawagan ng maralitang-lungsod kapag sila ay maluluklok sa pwesto.

"Una, paglikha ng sapat na trabaho para sa lahat na tiyak at nakabubuhay ang sahod. Paglalaan ng sapat na badyet para sa serbisyong panlipunan, laluna sa serbisyong pangkalusugan, edukasyon, at pabahay. Pagbabasura sa negosyong pabahay at pagpapahinto sa mga demolisyon. Murang bigas at pagkain. Sa pangmatagalan, paghakbang tungo sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.

"Ito ang gusto naming marinig sa kanila, kung paano nila planong harapin ang mga usaping ito. Sana'y maglatag sila ng mga kungkretong plataporma at hindi lamang puro pagpapa-pogi o mga motherhood statement," ani Nanay Leleng.

No comments:

Post a Comment