MEDIA ADVISORY / NEWS RELEASE
Nobyembre 30, 2009
Sa pagdedeklara ni Pangulong Arroyo ng kanyang intensyong tumakbo para Kongresista sa Pampanga, na hindi na ikinagulat ng marami, mabilis ang panawagan ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa Comelec – i-disqualify ito.
“Legal basis [ng disqualification]? Eh kung moral basis kaya? Sa gitna ng pinakamalagim na masaker sa kasaysayan ng bansa, kung saan naghuhumiyaw ang taumbayan sa hustisya, magagawa mo pang tumakbo? Kung wala man sa batas ng tao na dapat siyang pigilan, palagay namin ay simpleng kunsensya na lamang, at panimbang natin sa tama at mali ang dapat masunod dito,” ani Leona ‘Nanay Leleng’ Zarsuela, tagapangulo ng Kadamay.
Aniya, nakikita na natin ang “rurok” ng pagkaganid sa kapangyarihan ng isang opisyal na nasa poder, na tunay umanong “nakakabaliktad ng sikmura”. Ipinaalala ng grupo na liban pa sa mga Ampatuan, ang mismong pagkapit din sa kapangyarihan ni Gng. Arroyo ang tuwirang nasa likuran ng madugong Ampatuan, Mindanao masaker.
“Talagang walang titigilan ang salot na ito sa pananatili sa kapangyarihan. Paano, takot ma-usig at maparusahan sa kanyang patung-patong na mga krimen, oras na mawala siya sa poder.”
Bukas, nakatakdang magpiket ang grupo sa tanggapan ng Comelec sa Intramuros, Maynila upang idiin ang kanilang hamon sa mga ‘presidentiable’, sa huling araw ng pagsasampa ng mga COC. Subalit sa pag-anunsyong ito ni Gng. Arroyo, nadagdagan lalo ang mga dahilan upang ituloy ang nasabing protesta.
“Liban sa mga hamon, magtutungo kami doon upang igiit sa Comelec, at sa ating mga kababayan, na huwag pahintulutan si Gng. Arroyo na tumakbo. Nais naming idiin sa ating mga kababayan: kung naghahangad tayo ng hustisya para sa masaker, hinding-hindi ito mangyayari hangga’t si Gng. Arroyo ay nasa poder.
“Imulat natin ang ating mga mata… si Gloria mismo ang nag-alaga d’yan sa mga Ampatuan, at hindi n’ya kayang salingin ang mga ‘yan dahil sa botong hinatid nila sa Maguindanao. Inuulit namin, ang pagkawala ni Gloria sa poder ang unang hakbang para sa hustisya,” ani Nanay Leleng.
Nagbabadya rin ang pambansang ‘Martsa ng Maralita para sa Hustisyang Panlipunan’ na gaganapin sa Disyembre 3, kung saan isa na sa magiging sentral na panawagan nito ang “pagpigil” kay Gng. Arroyo, ayon sa grupo.
_________________________________
BUKAS, Disyembre 1: Gloria, I-disqualify!
8:00 AM, Comelec Main Office, Intramuros, Maynila
Dagdag dito ang paghamon ng mga maralita sa mga ‘presidentiable’ sa huling araw ng filing ng COCs, gamit ang mga plakard na may larawan ng mga ito at may ‘twist’ sa kanilang mga popular na islogan, upang idiin ang agenda ng maralita. Susi umano sa suporta ng mga maralita ang pagtugon sa mga isyung ito (hal., para kay Noynoy: Hindi ka mag-iisa…’pag may reporma sa lupa!, atbp.)
For further details, please contact Jon Vincent Marin, Kadamay PIO 0910.975.7660
No comments:
Post a Comment