Panawagan para sa Disyembre 3 ‘Martsa ng Maralita’, umiinit
NEWS RELEASE
December 1, 2009
Imulat natin ang ating mga mata, at haraping wala kay Gloria ang hustisya.
Ito ang mensahe ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap, grupo ng mga maralitang-lungsod, na nagsagawa ng piket ngayon sa tanggapan ng Comelec sa Intramuros, Maynila upang ipanawagang “i-disqualify” ang Pangulong Arroyo sa pagtakbo bilang Kongresista sa Pampanga, na ngayong araw din ay inaasahang magsasampa ng kanyang CoC sa kanyang distrito doon.
“Legal basis [ng disqualification]? Eh kung moral basis kaya? Sa gitna ng pinakamalagim na pulitikal na masaker sa kasaysayan ng bansa, kung saan naghuhumiyaw ang taumbayan sa hustisya, magagawa mo pang tumakbo? Kung wala man sa batas ng tao na dapat siyang pigilan, palagay namin ay simpleng kunsensya na lamang, at panimbang natin sa tama at mali, ang dapat masunod dito,” ani Leona ‘Nanay Leleng’ Zarsuela, tagapangulo ng Kadamay
Nananawagan din ang grupo, liban pa sa disqualification, na “patalsikin at panagutin” si Gng. Arroyo bilang tanging daan lamang anila para sa tunay na hustisya sa mga biktima ng Ampatuan, Maguindanao massacre.
“Nais naming idiin sa ating mga kababayan: kung naghahangad tayo ng hustisya para sa masaker, hinding-hindi ito mangyayari hangga’t si Gng. Arroyo ay nasa poder,” ani Nanay Leleng. “Siya mismo ang nag-alaga d’yan sa mga Ampatuan, at hindi n’ya kayang salingin ang mga ‘yan dahil sa botong hinatid nila sa Maguindanao. Siya mismo ay nakinabang sa karahasan at kamay na bakal ng mga Ampatuan, kaya’t siya rin ay may pangunahing pananagutan sa masaker.
Kung hahayaan nating manatili pa siya nang ilang buwan bilang pangulo, at maging kongresista pa pagkatapos, huwag na nating asahang mareresolba ang kasong ito,” aniya.
Sa halip, nanawagan ang grupo sa taumbayan na “mapagpasya nang kumilos” at lumahok sa mga malakihang kilos-protesta, pangunahin sa Disyembre 3 ‘Martsa ng Maralita’ na pamumunuan ng grupo, upang “bakbakin ang kapangyarihan ni Gng. Arroyo” kung hindi man tuluyan itong mapatalsik.
“Ang Disyembre 3 ay pambansang araw ng protesta ng mga maralitang-lungsod, kabilang ang mga manggagawa at lahat ng masang anakpawis. Ibuhos na natin ang lahat ng ating galit sa rehimeng Arroyo sa araw na ito, ‘di lamang patungkol sa karumal-dumal na masaker, kundi sa iba pang trahedyang idinulot niya sa ating mga mahihirap – kawalan ng trabaho, kabuhayan, tiyak at disenteng tirahan, serbisyong panlipunan – na lalo pang tumingkad nitong nakaraan lamang sa sunod-sunod na mga kalamidad,” ayon kay Nanay Leleng.
Ang Disyembre 3 protesta ay pinamagatang ‘Martsa ng Maralita para sa Hustisyang Panlipunan’ – kung saan nakapaloob, ayon sa grupo, ang hustisya para sa Ampatuan, Maguindanao massacre at nakaraan pang pagkitil ng daan-daang buhay ng mga kritiko at tumutuligsa sa rehimen, maging ang hustisya para sa iba pang ‘masaker’ na dulot ng rehimeng Arroyo sa mga maralita. ###
Please see: MEDIA GUIDE for Dec. 3 ‘Martsa ng Maralita’, at kadamay-natl.blogspot.com, or you may contact me for e-mail and text advisories through 0910.975.7660. Thanks. – Jon Vincent Marin, PIO, Kadamay
No comments:
Post a Comment