Delikadong ‘precedent’ at delikadong ‘President’, ayon sa grupo ng maralita
NEWS RELEASE
December 10, 2009
Delikadong ‘precedent’ at delikadong ‘President’. Ito ang pagtingin ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), grupo ng mga maralitang-lungsod, kung bakit dapat nang agarang baliktarin ng Congress Joint Session ang Proclamation 1959, ang proklamasyong nagpataw ng Martial Law sa Maguindanao, matapos ang unang araw ng mga pagdinig kaugnay dito.
“Sa araw ng pagdiriwang ng International Human Rights Day [ngayon], ito na ang akmang panahon upang pagpasyahan na ng Congress Joint Session na i-revoke ang Martial Law sa Maguindanao,” ani Jon Vincent Marin, public information officer ng grupo. “Batay sa mga pagdinig, isang delikadong ‘precedent’ ang itinatakda ng pagkakapataw nito. Higit pa, isang delikadong ‘President’ ang humahawak dito.”
Ayon sa grupo, kung kakatigan ng Joint Session ang Proclamation 1959, nangangahulugan itong maaari nang magdeklara ng Martial Law ang mga susunod na Pangulo, maging ang kasalukuyang Pangulo sa susunod pang pagkakataon, “batay sa kaso ng rebelyon na siya lang ang nagsasabing nangyayari.”
“Marahil, kung talagang may rebelyon, hindi na nila kailangan pang kumbinsihin ang Kongreso na ito ay totoo,” ani Marin.
Wala umano itong pinag-iba sa pagtangka noon sa buhay ni dating Defense Secretary Juan Ponce Enrile sa panahon ng Pangulong Marcos, na naging dahilan ng huli upang isailalim ang buong bansa sa Martial Law. Makalipas ang ilang taon, inamin din ng ngayo’y Senador Enrile na ‘staged’ lamang ang naturang assassination attempt, upang mabigyan ng dahilan ang Martial Law.
“Hindi malayong isipin na kung may kaguluhan nga sa Maguindanao, ito ay ‘staged’ din lamang…bahagi ng maitim na pakana para maabswelto ang mga Ampatuan sa masaker, at para mabigyan pa ng dahilan si Gng. Arroyo na i-‘testing’ ang Martial Law dito bago sa buong bansa,” ani Marin.
Higit sa lahat, anila, at dahilan din upang paghinalaan ang totoong mga motibo sa likuran ng 1959, ay ang karakter at rekord ng Pangulo na nagpapatupad nito.
“Sa lahat ng mga nagawa na ni Gng. Arroyo sa panunungkulan, at ang malinaw-pa-sa-sikat-ng-araw niyang hangarin na manatili sa poder, mapagtitiwalaan pa ba natin ang Pangulong ito ng ganito kalawig na kapangyarihan, kahit sa isang probinsya pa lamang? Itinapon na niya ang lahat ng moralidad at delikadesa sa pamumuno, ano pa nga ba ang humahadlang sa kanya para bukas-makalawa’y ipatupad na ang Martial Law sa buong bansa?”
Kaya, ang panawagan ng grupo sa Joint Session at sa lahat ng mamamayan, ibasura na ang Martial Law sa Maguindanao “bago pa mamunga ang mga maitim na balakin ng pangkating Arroyo, kasabwat ang mga Ampatuan… kapag hindi natin pinigilan ito ngayon, liban pa sa pagyurak sa diwa ng 1987 Konstitusyon na naglagay mismo ng safeguards upang pigilan ang pag-abuso ng Pangulo sa kapangyarihan ng Martial Law, ay nasa ilalim tayo ng pinaka-mapanganib na Pangulo sa kasaysayan sa paghawak ng labis na kapangyarihan.” ##
For further details, please contact Jon Vincent Marin, Kadamay PIO, at 0910.975.7660.
No comments:
Post a Comment