NEWS RELEASE
December 8, 2009

Sa pananaw ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), may tatlong malalaking dahilan kung bakit ipinataw ang Martial Law sa Maguindanao. Ito rin anila ang mga dahilan kung bakit dapat igiit ng sambayanan na ito ay ibasura, kaakibat ang paggigiit na patalsikin na ang Pangulong Arroyo mula sa pwesto.
Whitewash sa kaso ng pamilya Ampatuan sa Nobyembre 23 ‘Ampatuan Massacre’. Gaya na ng binanggit ng iba’t ibang mga sektor, hindi kinakailangan ng Martial Law kung ang sinasabing dahilan ay ang mabilisang hustisya para sa masaker. “H’wag na tayong maglokohan…hindi magkakaroon ng hustisya sa krimeng ito hangga’t si Gng. Arroyo ay nasa poder,” ani Carlito Badion, pangalawang pangulo ng grupo. “Masyadong malaki ang pagkakautang n’ya sa pamilya Ampatuan noong 2004, kaya’t hindi malayo na ang Martial Law na ito, sa halip na pabilisin ang hustisya, ay nariyan pa para plantsahin lamang ang sitwasyon upang sa huli ay makalusot ang mga ito sa hustisya.”
Makikita na ito anila sa desisyon ng gubyerno na sampahan ng kasong ‘rebelyon’ ang mga Ampatuan, sa bisa ng sinasabi din nitong “banta ng pag-aaklas” ng pamilya sa Maguindanao. “Nagsisimula na nga ang ‘whitewash’. Sa halip na multiple murder ang direktang ikaso sa mga Ampatuan, inililihis ang atensyon ng madla sa kunwaring ‘rebelyon’ kung saan mas madali silang maipawalang-sala,” ani Badion.
Whitewash sa mga ebidensya ng pandaraya noong eleksyong 2004. Sa iba’t ibang mga imbestigasyon na sinimulan mula noong naganap ang masaker, hindi umano malayong matuklasan ang iba’t ibang ebidensya ng pandaraya noong 2004 halalan na hawak ng mga Ampatuan, at ito ang pinaka-iingatan ng rehimen. “Dahil magulo ang sitwasyon, at nakatutok ngayon ang pambansang atensyon sa Maguindanao, kailangang paka-ingatan ni GMA na hindi sumingaw ang mga ebidensya ng pandaraya noong 2004, na siguradong nasa kamay ng mga Ampatuan,” ani Badion. “Ang solusyon? Martial Law.”
Higit sa lahat, ang Martial Law sa Maguindanao ay ‘testing’ para sa posibleng pagpapatupad nito sa buong bansa, kaakibat ng senaryong ‘failure of elections’ para sa pananatili ni Gng. Arroyo at ng kanyang mga alipores sa poder. “Sa huli, ano nga ba ang ating panghahawakan na hindi ito kayang gawin ni Gng. Arroyo sa buong bansa?,” ani Badion. “Binatak at binaluktot na hanggang sukdulan ni Gng. Arroyo ang ating Konstitusyon at batas, alang-alang sa kanyang interes ng pagkapit sa kapangyarihan. Ngayon, taliwas sa lahat ng delikadesa at moralidad, tatakbo pa siyang kongresista sa kabila ng pagsuka na sa kanya ng taumbayan, at habang sariwa pa ang dugo na dumanak sa Ampatuan Massacre. Ito ba ang taong mapagtitiwalaan pa natin, na hindi nito kayang i-deklara ang Martial Law sa buong Pilipinas?”
Kaya, ayon sa grupo, wala nang ibang dapat gawin ang mamamayang Pilipino kundi ang mag-alsa para sa pagbabasura ng Martial Law, at pagpapatalsik kay Gng. Arroyo mula sa pwesto. “Ang puno’t dulo ng lahat ng ito, mula sa kakila-kilabot na karahasan ng mga Ampatuan hanggang sa kwestyunableng pagpapatupad ng Martial Law sa Maguindanao, ay walang iba kundi ang pagkaganid ni Gng. Arroyo sa kapangyarihan,” diin ni Badion. “Siya ang nagpapagulo sa bansa… patung-patong lamang na kasalanan at kasinungalingan ang nais niyang pagtakpan, kaya tayo nagkakaganito ngayon. Kami ay nananawagan sa lahat ng maralita at mamamayan, mapagpasya na tayong kumilos at patalsikin ang ‘panggulong’ ito, bago pa mahuli ang lahat,” aniya. ##
For further details, please contact Jon Vincent Marin, Kadamay PIO, at 0910.975.7660.
No comments:
Post a Comment