NEWS RELEASE
Enero 29, 2010
Hindi na ikinagulat ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), grupo ng mga maralitang-lungsod, ang lumalabas na mga ulat kaugnay sa pagkabulok ng mga tenement building at 'socialized housing' units, batay sa isinasagawang inspeksyon ng DPWH.
"Hindi na tayo magtataka dahil matagal nang inabandona ng gubyernong ito ang responsibilidad na laanan ang mga mahihirap ng disenteng pabahay," ani Bea Arellano, pangkalahatang kalihim ng grupo.
"Ito ang resulta kapag profit-oriented o nakatuon sa kita ang programang pabahay, gaya ng matagal na naming pinupuna sa gubyerno. Tinitipid ang materyales sa paggawa, tapos pababayaran sa mga maralita sa loob ng 25 to 30 years samantalang guguho na ang unit bago pa umabot nang ganung katagal."
Aniya, maiiwasan lamang ang ganitong problema kapag itinuring ng gubyerno ang pabahay bilang isang tunay na serbisyo, na inilalaan sa mga tao bilang kanilang karapatan at hindi upang sila'y singilin at pagkakitaan.
"Isa ito sa magiging panawagan namin sa susunod na pangulo ng bansa... ang pagbubuhos ng pondo sa mga serbisyong panlipunan, gaya ng pabahay, kalusugan, at edukasyon," ani Arellano.
Ayon sa IBON Foundation, sa loob ng siyam na taong panunungkulan ni Pangulong Arroyo ay katiting na 0.4% lamang ng pambansang badyet ang inilaan ng kanyang administrasyon sa pabahay. ##
No comments:
Post a Comment