Translate

Wednesday, January 27, 2010

Pinakamataas na pagpupugay para kay Ka Douglas Dumanon, lider-maralita

Pinakamataas na pagpupugay ang iniaalay ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) kay Ka Douglas Dumanon, lider-manggagawa at lider-maralita, na pumanaw nitong Enero 25, matapos ang matagal na paglaban sa sakit ng kanser sa lalamunan.

Isang malaking kawalan si Ka Douglas sa kilusang-maralita, na matagal niyang pinamunuan hanggang bago siya maratay dahil sa sakit. Mula sa iyong mga nakasama sa pamunuan at kasapian ng Kadamay, mananatili kang inspirasyon at tanglaw sa patuloy na pakikibaka ng maralitang-lungsod, Ka Douglas.

Mensahe ng parangal ng Kadamay para kay Ka Douglas, binasa noong Disyembre 28, 2009, sa isang pagtitipon para sa maysakit na lider:

Walang ipinanganak na isang rebolusyonaryo bagkus ito ay inianak ng isang lipunang katulad ng mala-kolonyal at mala-pyudal na batbat ng krisis at pagdarahop ng mamamayan habang masaganang namumuhay ang mga naghaharing uri dahil sa pagsasamantala. Ang rebolusyonaryo ay nahuhubog at napapanday sa pakikibaka para kamtin ang panlipunang hustisya at pagbabago at pawiin ang kahirapan.

Sa pagtitipon ito ay ating kilalanin ang di matatawaran ang dakilang ambag ni Kasamang Douglas Dumanon o “Ka Douglas” sa karamihan sa hanay ng maralitang lungsod. Sa kabila ng kanyang karamdaman pinilit niyang makarating para muli tayong makadaupang-palad at makausap. Batid namin na ganoon din ang ating pagnanais na makapiling si Ka Douglas sa araw na ito.

Sino nga ba si Ka Douglas?

Ipinanganak siya noong Abril 24, 1954 at kabilang sa pamilya ng nakatataas na Peti-burges ang antas ng kabuhayan. Sa kasalukuyan, si Ka Douglas at ang kanyang asawa ay ay mayroong 6 na supling. Sa edad na 55 taong gulang, nanatiling matatag ang paninindigan para sa kapakanan ng manggagawa at maralitang lungsod.

Nag-umpisang kumilos si Ka Douglas noong 1971. Sa impluwensya at panghihikayat ng kanyang mga kapatid at kaibigan, na-organisa bilang kasapi ng Kabataang Makabayan (KM) sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM). Nang ipataw ni Ferdinand Marcos ang Batas Militar, nagpatuloy ang kanyang pagkilos hanggang sa mahuli siya at ang kanyang asawa. Ang pagkakapiit ay hindi pumigil sa pagnanais ni Ka Douglas na maglingkod sa sambayanan, kung kaya’t sa paglaya niya noong 1973 ay agad siyang nagbalik sa pag-oorganisa.

Taong 1977 nang maging presidente ng Luzon Stevedores Union si Ka Douglas. Habang pinamunuan niya ang mga laban ng manggagawa sa kanilang pinagtatrabahuhan, nahalal si Ka Douglas bilang Pambansang Ingat Yaman ng Kilusang Mayo Uno (KMU) noong 1980. Sabay niyang tinanganan ang dalawang trabaho hanggang 1984 nang siya ay magpasyang magpultaym sa bilang bahagi ng pambansang sentro ng kilusang paggawa. Naging tampok sa kanyang gawain sa KMU ang pagbubuo ng ugnayan at gawaing alyansa sa mga unyon at kilusang paggawa sa loob at labas ng bansa. Mahigit 20 bansa ang kanyang napuntahan kaugnay ng trabahong ito.

Saksi si Ka Douglas sa paglakas ng kilusang paggawa at kilusang masa noong maagang bahagi ng dekada ‘80 at maging sa paghina nito sa mga huling taon dulot ng disoryentasyon at paglihis. Matatag na nanindigan si Ka Douglas sa wastong linya laban sa mga aktibong nagtataguyod ng maling linya. Isa siya sa mga pangunahing nagtaguyod ng kilusang pagwawasto noong 1990 hanggang sa muling pagsigla at paglakas ng kilusang paggawa noong mga huling bahagi ng dekada 90’.

Nahalal bilang Vice President for Federation Affairs si Ka Douglas noong 2002 dahil sa kanyang kasanayan sa gawaing alyansa. Kasabay nito, inatasan siyang magbigay ng ispesyal na pagsubaybay sa Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY) bilang miyembrong pederasyon ng KMU.

Sa simula ng kanyang gawain sa hanay ng maralitang lungsod, naging matingkad ang kanyang paglubog sa mga komunidad ng maralitang lungsod, nakihalubilo sa masa at mataimtim na sinuri ang masalimuot nilang problema. Mapagpasya ang kanyang papel sa pamumuno ng KADAMAY sa paglaban sa mga malalaking isyu ng maralitang lungsod katulad ng National Government Center Housing Project, Philippine National Railways Modernization and Rehabilititation Program (PNR-MRP). Direktang lumahok sa gawain si Ka Douglas sa pag-oorganisa at pagpapatatag ng mga lokal na alyansa at samahan, pagbubuo ng mapagkaibigang ugnayan at gawaing alyansa sa iba pang mga samahan, pederasyon at alyansa. Bunsod nito ang mga matatagumpay na paglulunsad ng aksyong masa at mga taunang malaking aktibidad katulad ng Kalbaryo ng Maralitang lungsod at Martsa ng Maralita kasabay ng okasyon ng Urban Poor Week. Bukod sa mga kasanayan sa gawaing pampulitika, kilala si Ka Douglas bilang mahinahong pananalita, maunawain, mapagpakumbaba at higit sa lahat di marunong magalit.

Sa huling taon ni Ka Douglas sa maralitang lungsod, pinangunahan niya ang pagsasaayos ng Pambansang Opisina nito. Bagaman hindi naabutan ni Ka Douglas, matagumpay na nailunsad ang Ikatlong Kongreso ng KADAMAY noong Disyembre 2008. Naging malaking salik ang pangunguna ni Ka Douglas sa pagpapahusay ng operasyon at pamumuno ng KADAMAY sa pambansang saklaw.

Bago pa man makagampan muli ng gawain sa KMU noong Mayo 2008, tinamaan ng matinding karamdaman si Ka Douglas. Mahigit isang taon nang matapang na nilalabanan ni Ka Douglas ang sakit na kanser. Bagaman may karamdaman, hindi pa rin mawaglit sa isip ni Ka Douglas ang pagsisilbi sa manggagawa at maralitang lungsod kung kaya’t tumatangan pa rin siya ng maliliit na gawain sa abot ng kanyang kakayahan. Hindi niya iniinda ang sakit at laging nasa isip ang kagyat na paggaling upang mabilis na makabalik sa kanyang gawain.

Ipinakita ni Ka Douglas sa mahabang panahon ng kanyang pagkilos ang pagsasabuhay ng walang imbot na paglilingkod sa sambayanan. Sakit man o ang kanyang pagkakapiit ay hindi pumigil kay Ka Douglas upang magsikhay at magpatuloy sa pagsisilbi sa masang anakpwis. Ang paninindigan at katatagan ni Ka Douglas ay nagsisilbing huwaran sa mga manggagawa at maralitang lungsod.

Ikinararangal ng Pambansang Kalihiman ng KADAMAY at sampu ng mga balangay nito sa buong bansa na nakatrabaho at nakadaupang-palad si Kasamang Douglas Dumanon, lider manggagawa, lider maralita. ##

No comments:

Post a Comment