"Taglay naming mga mahihirap ang lahat ng pagtitiis at pagsusumikap, subalit kung lagi lang ding nakabara ang gubyerno sa tunay naming ikauunlad, ano pa nga ba ang saysay nito?”
NEWS RELEASE
January 15, 2009
Reporma sa lupa, o kamatayan ng bansa.
Ito ang malagim na bantang binitiwan ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), grupo ng mga maralitang-lungsod, na nagrali ngayon sa tanggapan ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa Quezon City kaugnay sa 'record-high' na kagutuman na naabot na ng bansa ayon sa SWS, na ayon sa grupo ay tanging masosolusyunan lamang sa pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa.
Ang pagkilos din anila ay "unang buga" bilang paghahanda para sa inaasahang pagdagsa ng mga magsasaka sa Enero 20, sa tinaguriang 'Lakbayan ng Anakpawis para sa Lupa at Katarungan', na hahantong sa martsa tungo Mendiola sa Enero 22 kasabay ng ika-23 anibersaryo ng Mendiola Massacre.
At gaya ng ipinakita ng makasaysayang araw na ito mahigit dalawang dekada na ang nakaraan, inilalagay ng Kadamay ang panawagan sa antas-buhay at kamatayan -- reporma sa lupa o kamatayan ng bansa.
"Dalawa ang kahulugan nito. Una, ang literal na pagkamatay ng marami sa aming mga mahihirap, sa kagutuman, sa kawalan ng kabuhayan. Ito ang kailangang maunawaan laluna ng mga naghahangad mamuno sa bansa: walang ibang makasasagot sa kagutuman kundi ang paggamit ng ating lupa para sa direktang pakinabang ng taumbayan, kabilang ang mismong produksyon ng sapat na pagkain. Ngunit hangga't pinagmamay-arian ng iilang hasendero at malalaking negosyante, ang lupa ay para lamang sa kanilang mga pang-negosyong interes," ani Leona 'Nanay Leleng' Zarsuela, tagapangulo ng Kadamay.
"Ikalawa at mas malalim, kung patuloy na ipagkakait ng gubyerno ang tunay na reporma sa lupa, markahan na natin ang kamatayan ng Pilipinas sa kasalukuyang pagsasaayos nito - ang bandila, gubyerno, mga institusyon, at batas, lahat ay mawawalan ng bisa at isasantabi, habang taumbayan na mismo ang magkakamit ng kanilang interes," ani Nanay Leleng.
"Taglay naming mga mahihirap ang lahat ng pagtitiis at pagsusumikap, subalit kung lagi lang ding nakabara ang gubyerno sa tunay naming ikauunlad, ano pa nga ba ang saysay ng gubyernong ito? Ano pa nga ba ang saysay ng pagkakaroon ng tinatawag na bansa?"
Aniya, ito ang dapat pagnilay-nilayan ng sinumang naghahangad na maging susunod na Pangulo ng bansa. Seryosong harapin ang tunay na reporma sa lupa sa kanyang electoral na agenda, o harapin ang pagkalusaw ng mismong bansa na gusto niyang pamunuan.
Ibibigay ng mga susunod na araw ang pagkakataon, ayon sa grupo, sa pagdating ng libu-libong mga magsasaka buhat pa sa iba't ibang mga probinsya, na sasalubungin at susuportahan din ng mga maralitang-lungsod.##
No comments:
Post a Comment