Translate

Tuesday, January 19, 2010

Maralitang-lungsod, nakahanda na sa pagsalubong sa paparating na mga magsasaka

'Tunay na reporma sa lupa, hangad maging ng mga taga-lungsod, 'di lamang ng mga taga-nayon'

NEWS RELEASE
Enero 19, 2010

Nakahanda na ang mga maralitang-lungsod sa pamumuno ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa pagsalubong sa mga magsasakang dadagsa dito sa Maynila bukas, sa kulminasyon ng 'Pambansang Lakbayan para sa Lupa at Katarungan' na tutulak tungo Mendiola sa Enero 22.

Bahagi ang grupo sa pagsalubong ng iba't ibang sektor sa mga magsasakang mula Hilaga at Gitnang Luzon sa Monumento bukas, habang inihahanda din ang maralitang komunidad ng North Triangle, QC sa pagdaan ng mga ito tungo sa tanggapan ng Department of Agrarian Reform (DAR), para sa pagbibigay-suporta sa mga 'Lakbayani'.

"Gusto nating idiin sa ating mga kababayan na ang laban para sa tunay na reporma sa lupa ay laban din ng mga maralitang taga-lungsod, 'di lamang ng mga taga-kanayunan," ani Carlito Badion, pangalawang pangulo ng Kadamay.

Ani Badion, direktang maiuugat ang paglobo ng bilang ng mga maralitang-lungsod sa kawalan ng lupa at kabuhayan sa kanayunan. "Alam nating marami sa mga mahihirap dito sa Maynila ay galing sa mga probinsya, na nakipagsapalaran dito dahil sa hirap ng buhay doon. Kapag naipatupad ang tunay na reporma sa lupa, tiyak marami sa amin ang magbabalik doon at giginhawa ang kanilang mga buhay."

Dagdag pa, malulutas nito ang problema ng matinding kagutuman, na nailantad kamakailan na umabot na sa record-high 24%, ayon sa SWS. "Matitiyak ang sapat na produksyon ng pagkain, unang-una, at paglikha ng yaman na mapapakinabangan ng lahat, hindi ng iilang hasyendero at negosyante na nagmamay-ari ngayon sa kalakhan ng ating mga lupain," aniya.

Ito rin umano ang una at kinakailangang hakbang para sa tuluyang pag-unlad ng bansa, ani Badion. "Kaya't ang sinasabi namin, nakasalalay dito ang mismong kaligtasan ng bansa. Walang solusyon sa kagutuman at kahirapan, at hindi rin posibleng umunlad o maging industriyalisado, hangga't walang reporma sa lupa," aniya.

"Lagi nating naririnig sa mga kandidato na hangad nila ang tunay na pagbabago. Pwes, heto ang kailangang pagbabago - tunay na repormang agraryo, wala nang iba pang paraan." ##

For further details, please contact Jon Vincent Marin, PIO, Kadamay | 0910.975.7660

No comments:

Post a Comment