Militar, "salot" maging sa kalunsuran, lalo't papalapit na ang halalan
Nagpakita ng patunay ang grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), grupo ng mga maralitang-lungsod, na dalawang doktor mula sa tinaguriang 'Morong 43' ay mismong nakasama nila sa isang medical mission sa Montalban (Rodriguez), Rizal, matapos ang pananalanta ng bagyong 'Ondoy'.
Sa mga larawang inilabas ng grupo na may petsang Oktubre 12, 2009, makikita si Dr. Mary Mia, Health Education and Training Services coordinator ng Council for Health and Development (CHD) at si Dr. Alexis Montes, dalawa sa 43 manggagawang pangkalusugan na dinakip ng militar sa isang bahay sa Morong, Rizal, na kasama sa 'Samahang Operasyong Sagip', na inorganisa ng Montalban Relocatees Alliance-Kadamay katuwang ang CHD, Health Alliance for Democracy, Community Medicine Development Foundation, at iba pang grupo.
Sina Dr. Mary Mia (itaas) at Dr. Alexis Montes (ibaba), nakaposas sa kanilang mga military escort, sa pagprisinta ng AFP sa 'Morong 43' sa Court of Appeals alinsunod sa writ of habeas corpus na inilabas ng Korte Suprema
Si Doc Mary (gitna, nakaputi at may bag), kausap ang mga taga-Montalban sa 'Samahang Operasyong Sagip' medical mission. Katabi niya si Riza Perlas (nakapula), opisyal ng Montalban Relocatees Alliance, at si Carlito Badion (naka-asul na sando), pangalawang pangulo ng Kadamay.
Si Doc Mary (nasa bandang kanan, nakaupo) at Doc Alex (nakatayo sa likod)
Si Doc Mary (nasa bandang gitna, katabi ng naka-itim) at Doc Alex (sa dulong kaliwa), kasama ang iba pa nilang mga kasamahang manggagawang pangkalusugan na tumulong sa 'Samahang Operasyong Sagip'
"Ito ay malinaw na patunay na sina Doc Mary at Doc Alex ay hindi NPA, maging ang kanilang mga kasamahan," ani Leona 'Nanay Leleng' Zarsuela, tagapangulo ng Kadamay. "Pinipilit lang ng militar na paratangan sila, palibhasa puro kabuktutan lang ang alam gawin ng militar sa mga kanayunan...kaya 'pag nakakakita sila ng gumagawa ng mabuti, dinadakip nila kaagad at inaakusahang NPA."
Aniya, hindi na kapani-paniwala ang militar dahil sa mahabang rekord nito ng pamamaslang, tortyur, pagdukot, at harassment sa mga aktibista at ordinaryong sibilyan. Ang pruweba nito, ani Nanay Leleng, ay makikita mismo maging dito sa kalunsuran.
"Lalo ngayong papalapit na ang eleksyon, tumitindi na naman ang presensya ng militar sa mga maralitang komunidad. Muli na kaming nakatatanggap ng mga ulat ng harassment, paniniktik, at maging sexual abuse na kagagawan ng mga militar, na itinatanim sa mga urban poor areas para mangampanya laban sa mga progresibong partylist at kandidato, at tiyakin ang boto ng mga maka-administrasyon."
Binanggit ni Nanay Lelang ang Memorandum of Agreement (MOA) na pinirmahan ng Comelec at AFP noong Enero 7, sa kabila ng pagtutol ng maraming sektor, na nagbibigay ng 'mas malaking papel' sa mga militar sa darating na halalan. Aniya, maaaring bahagi na ito ng mga maniobra ng pangkating Arroyo para sa pananatili sa poder, bagay na ipinangangamba na rin ng marami.
"Ginamit na dahilan ni [Defense Secretary] Gonzales ang Maguindanao Massacre, at pagiging laganap ng mga private armies sa bansa, para itulak ang MOA na ito. Pero sa nakikita nating pagtrato sa 'Morong 43' at gayundin sa mga malinaw na maniobra bago ang eleksyon, hindi ba't mistulang malaking 'private army' na rin ni Arroyo ang AFP?"
Muling iginiit ng lider-maralita ang agarang pagpapalaya at hustisya para sa 'Morong 43', at pagpapalayas sa mga "salot" na militar mula sa mga maralitang komunidad. ##
Reference: Leona 'Nanay Leleng' Zarsuela, Chair, Kadamay
For high-resolution pictures, kindly e-mail kadamaypio@gmail.com
Note to media: To those who wish to dig deeper into the story of the 'Morong 43', the leaders of Kadamay as well as our local members in Montalban are open to interviews, to attest to the identity of Doc Mary and Doc Alex, and their heartfelt service given during a time of great need. Please contact Jon Vincent Marin, Kadamay PIO, at 0910.975.7660. Thank you.
No comments:
Post a Comment