NEWS RELEASE
February 24, 2010
Pinalagan ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), grupo ng maralitang-lungsod, ang posibleng pagdedeploy ng mas maraming sundalo sa Kamaynilaan bilang paghahanda diumano sa posibleng ganti ng Abu Sayyaf sa pagkakapatay sa lider nitong si Albader Parad, ayon kay AFP Chief Gen. Victor Ibrado.
Ayon kay Carlito Badion, pangalawang pangulo ng Kadamay, bagamat binanggit din ni Ibrado na wala pang pangangailangan sa ngayon na itaas ang alert level sa Metro Manila kaugnay dito, posibleng pagkundisyon din sa isip ng taumbayan ang mga pahayag kaugnay sa posibleng 'retaliatory attacks' upang tanggapin ng madla ang presensya ng militar dito sa lungsod, lalo ngayong panahon ng eleksyon.
"Bago pa man ang sinasabing banta ng Abu Sayyaf, marami na kaming namomonitor na kaso (see here, and here, for published reports) ng bumibigat na presensya ng militar sa mga maralitang komunidad, ngayong papalapit na ang halalan," ani Badion. "At alam natin ang pakay kung bakit sila nandito -- upang mangampanya laban sa mga progresibong partylist gaya ng Anakpawis at mga kandidato ng oposisyon, at takutin at harasin ang aming mga lider at kasapi sa mga komunidad para hindi makapagkampanya at magsagawa ng mga protesta."
Aniya, napatunayan na ito noon pang 2007 halalan, kung saan kapansin-pansin ang pagbigat ng presensya ng militar sa mga maralitang komunidad ng Metro Manila at napatunayan na din ang kanilang layunin dito.
"Hindi lang paninira at harassment, kundi karahasan at pang-aabuso sa kababaihan, 'yan ang ginagawa ng mga sundalo sa komunidad," ani Badion.
Ilan sa mga lugar sa Kamaynilaan na kumpirmado ang presensya ng militar, ayon sa lider, ang Barangay Payatas, Holy Spirit, UP Campus, at Bagong Pag-Asa sa Quezon City, Baseco sa Tondo, Maynila, at Mandaluyong City.
Tinukoy din niya ang kandidatura ng mga militanteng party-list group kabilang ang Anakpawis, Bayan Muna, Gabriela, Kabataan, ACT Teachers, at Katribu, at kampanya para sa Senado ng kilalang mga progresibong sina Satur Ocampo at Liza Maza, bilang pangunahing target ng mga militar para sa black propaganda at harassment.
"Bagamat hangad nating lahat ang seguridad ng mamamayan, hindi rin mapagkakatiwalaan ang AFP na talagang seguridad lang laban sa Abu Sayyaf ang aatupagin nila dito," ani Badion. "At kung tutuusin, ipinapakita ng kanilang rekord na nagiging banta rin mismo ang mga sundalo sa seguridad naming mga mahihirap." ##
Reference: Carlito Badion, Kadamay Vice Chair | 0939.387.3736
No comments:
Post a Comment