Translate

Sunday, March 7, 2010

Grupo ng maralita, binweltahan ang 'Lalakeng Kausap' posters ni BF


Sa bisperas ng International Women's Day
Grupo ng maralita, binweltahan ang 'Lalakeng Kausap' posters ni BF

NEWS RELEASE
07 March 2010

Isang araw bago ang paggunita sa International Women's Day, binweltahan ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), grupo ng mga maralitang-lungsod, si vice presidential candidate at dating MMDA chair Bayani Fernando sa kanyang mga campaign posters, kung saan ibinabandera na siya umano ay 'Lalakeng Kausap'.

"Ano ang gusto niyang palabasin? Na ang salita ng babae ay hindi maaasahan? Na hindi uubra ang babae sa pamumuno?," ani Bea Arellano, pangkalahatang kalihim ng Kadamay. Si Arellano ay isa sa tatlong kababaihan na nakaupo sa pinakamataas na mga pusisyon sa grupo, kasama si Leona 'Nanay Leleng' Zarsuela (national chair) at Carmen 'Nanay Mameng' Deunida (chair emeritus).

"Dito lalong nakikita na kahit 2010 na, ang utak ni Fernando ay nasa sinaunang panahon pa rin. Wala na dapat lugar ang machismo sa pamumuno ngayon... pero kagaya ng ipinakita niya sa MMDA, ang tingin niya sa sarili niya ay action star na walang sinasanto at babanggain ang sinuman, kahit na ang sinasagasaan niya ay mga maralitang walang kalaban-laban," ani Arellano.

"Ang mensahe namin dito kay Fernando, hindi sukatan ng pagkalalaki ang pagdedemolis at pagtataboy ng mga maralitang naghahanapbuhay, kung 'yan ang pinagmamayabang n'ya. Ang sukatan ng pagiging lider, lalaki man o babae, ay ang pagkalinga at pagmamalasakit lalo sa mga naghihirap, ang pag-unawa at pagtulong sa kanila sa halip na lalong ibaon sa kahirapan.

"Kung titignan, babae ang Pangulong Arroyo at lalaki si Fernando, pero pareho silang bagsak sa pamantayan na 'yan. Pareho din silang dapat panagutin sa kanilang mga kasalanan sa mga mahihirap at hindi na dapat pa maupo sa gubyerno.

"Kaya, Chairman, wala 'yan sa kasarian. Parehong may kakayanan ang lalaki at babae sa pamumuno, at pareho ding may kakayanan na maging pahirap at mapang-abuso. Kagaya ninyong mag-amo ni Gloria," pagwawakas ni Arellano. ##

Reference: Bea Arellano, Secretary-General, Kadamay | 0921.392.7457

For further details, kindly contact Jon Vincent Marin, PIO, Kadamay | 0910.975.7660

No comments:

Post a Comment