Translate

Thursday, March 18, 2010

Earlier Releases

Panawagan sa COMELEC: Imbestigahan ang electioneering ng militar sa mga maralitang komunidad

NEWS RELEASE
16 March 2010

Ilang araw matapos magsagawa ng aksyong-protesta (03/13) sa harapan mismo ng Camp Aguinaldo, nagtungo naman ngayon ang grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), kasama ang mga kasapi ng Kilusang Mayo Uno (KMU), COURAGE at Anakpawis Partylist, sa tanggapan ng Comelec sa Intramuros, Maynila upang kundenahin ang anila'y "electioneering at pang-aabuso" ng militar sa mga maralitang komunidad, at nanawagan sa ahensya na agaran itong imbestigahan.

"Walang lugar ang mga militar sa mga maralitang komunidad," ani Carlito Badion, pangalawang pangulo ng Kadamay. "Ang kanilang mismong presensya dito ay hindi katanggap-tanggap, walang batayan at dapat agarang itigil, pero lalo pang nagiging dahil sa kanilang electioneering, harassment sa mga lider-komunidad, at iba pang mga kaso ng pang-aabuso."

Pangunahing idiniin ng mga grupo ang mga nakalap umano nilang ulat (tignan sa ibaba ang mga tampok na kaso) kaugnay sa tahasang paninira, at pangangampanya ng mga militar na huwag iboto, ang mga progresibong kandidato kabilang sina Satur Ocampo at Liza Maza para Senador, at ang Anakpawis at mga kaalyado nitong partylist.

"Dagdag pa riyan ang mga istandard nang gawain ng mga militar na paniniktik at harassment sa mga lider-komunidad, lalo ang mga kilalang lider ng mga militanteng grupo, upang pigilan o limitahan ang kanilang pang-araw-araw na gawain," ani Badion.

Inihahanda na umano ng mga grupo ang mga kaukulang dokumento upang magsampa ng isang pormal na complaint sa Comelec sa mga susunod na araw.

"Lalo ngayon sa pagkakahirang ni Gloria Arroyo sa kanyang loyalista at lapdog na si Gen. Delfin Bangit bilang AFP Chief, lalong dapat ilantad at labanan ang paglaganap ng presensya ng militar sa mga maralitang komunidad. Wala nang nagdududa sa hangarin ni Gng. Arroyo na manatili pa sa kapangyarihan, at malinaw na bahagi sa mga maniobrang ito ang militarisasyon ng mga sentrong lungsod, lalo na ang NCR," ani Badion.

Ayon pa sa Kadamay, isa ito sa mga usaping tututukan ng grupo habang papalapit ang malakahing kilos-protesta ng mga maralitang-lungsod sa Marso 26, na isasagawa upang anila'y "tuluyan nang wakasan" ang "madilim na paghahari" ni Gng. Arroyo sa bansa, kabilang ang kanyang mga maniobra para tumagal pa sa kapangyarihan.##
________________________________
Mga tampok na kaso ng electioneering, abuso, at presensya ng militar sa mga maralitang komunidad

Brgy. 8 (Caloocan City)
Nakabase na sa barangay hall ang mga kasapi ng 15th IBB RR. Madalas mag-house-to-house ang mga ito at kinakampanyang huwag iboto sina Satur Ocampo at Liza Maza at mga progresibong party-list (Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela, Kabataan, ACT Teachers, Katribu, Akap Bata).

Brgy. Marulas (Valenzuela City)
Mga kasapi ng 73rd squad ng Philippine Air Force, nagmamanman sa mga kasapi ng Anakpawis Partylist sa lugar at sinasabihan ang mga residente na huwag iboto ang Anakpawis, ayon sa ulat.


Brgy. 17 (Caloocan)
Nagbagsak na ang mga militar dito ng mga polyeto na naninira sa mga progresibong party-list, katuwang ang mga tauhan ng barangay. Pana-panahon ding nagpapa-film showing sa komunidad kaugnay dito.

Brgy. Bagong Pag-Asa (Quezon City)
Peb. 28 -- Pilit na inaalis ng militar ang tarpaulin ng Anakpawis Partylist. Hindi pumayag ang nanay na kasapi ng Anakpawis, pero kinabukasan wala na ang naturang tarpaulin.

Ilang araw din bago rito, may ilang ulat ding natanggap kaugnay sa paninita ng isang residente at pagbibitbit ng matataas na kalibre ng baril.

Artex Compound at Brgy. 8 (Malabon)
Hinaharas ang lider ng Gabriela, mula pa noong January linggo-linggo ito binabalikan.

Brgy. 70 (Caloocan)
Dito mismo nagsasagawa ng training ang mga militar tuwing Linggo.

Brgy. 28, 141, 145 (Caloocan); Catmon (Malabon); Alabang, Cupang, Buli (Muntinlupa); Daang Hari (Navotas)
Kumpirmado ang presensya ng militar, na nag-iikot sa komunidad bitbit ang matataas na kalibre ng baril.##

Reference: Carlito Badion, Kadamay Vice Chair | 0939.387.3736
___________________


Pananalasa ng El Nino
Grupo ng maralita sa gubyerno: Kumilos na upang pigilan ang pagsirit ng presyo
'Matuto sa pagkakamali, at kumilos na ngayon upang agapan ang napipintong pagsirit ng mga presyo ng bilihin'

NEWS RELEASE
11 March 2010

Ito ang panawagan ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), grupo ng mga maralitang-lungsod, na nagsagawa ng aksyong protesta ngayon sa harap ng palengke ng Nepa-Q-Mart sa Quezon City.

"Bagamat alam na nila ang paparating na El Nino bago pa man magtapos ang nakaraang taon, malinaw ang pagpalya ng gubyerno sa paghahanda upang maabatan ang matinding epekto nito sa ating agrikultura at mga magbubukid," ani Carlito Badion, pangalawang pangulo ng grupo. "Sana ngayon ay matuto na sila sa kanilang pagkakamali, at kumilos na ngayon habang nananatili pang istable ang mga presyo ng pangunahing bilihin sa mga pamilihan."

Ani Badion, tiyak sa mga susunod na araw ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin, laluna ang bigas, gulay, at iba pang pagkain, dala ng matinding pinsala ng El Nino sa produksyon. Habang hindi pa ito ganap na nararamdaman sa mga lungsod, aniya, dapat nang kumilos ang gubyerno upang protektahan ang mga konsumer, laluna ang mga maralitang-lungsod, habang kumikilos din upang suportahan ang mga naghihingalong magbubukid at muling ibangon ang produksyon.

"Kailangan nang i-set-up ng gubyerno ang mas mahigpit na price monitoring at price control, laluna sa pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan ng maralita. Kailangan ding pag-ibayuhin na ang pag-patrol laban sa mga hoarder at iba pang negosyante na maaaring magsamantala sa sitwasyon," ani Badion.

Patuloy ding imo-monitor ng grupo ang lagay ng presyo ng mga pangunahing bilihin, habang nalalapit ang itinakdang araw ng malawakang protesta ng mga maralitang-lungsod sa Marso 26.

"Sa huli, ang iginigiit namin ay ang matagal nang pangangailangan para sa tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon, na siyang susi para sa ating self-sufficiency sa pagkain at sapat na kahandaan para sa mga ganitong kalamidad, sa halip na umasa palagian sa importasyon," ani Badion.##

Reference: Carlito Badion, Kadamay Vice Chair | 0939.387.3736

For further details, kindly contact Jon Vincent Marin, PIO, Kadamay | 0910.975.7660

No comments:

Post a Comment