Pahayag sa Media Forum kaugnay sa mga epekto ng El Niño
Inisponsor ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)
Tanggapan ng Kalikasan-PNE, Matulungin St., Brgy. Central, QC
Reference: Ka Bea Arellano, Pangkalahatang Kalihim, Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay)
0921.392.7457
"Tila may ilan nang nakalimot, subalit katataas lang ng singil sa tubig ng Maynilad at Manila Water nitong Enero.
"Ngayon, eto naman. Shortage ng tubig dahil sa El Nino. Ang El Nino, isang pangyayaring hatid ng kalikasan, hindi natin mapipigilan. Pero ang kalakarang ito ng taun-taon na lamang na pagtaas ng singil sa tubig, samantalang ni hindi matiyak ang maayos na serbisyo sa harap ng matinding kalamidad, talaga bang nakapako na tayo rito sa panghabampanahon?
"Hindi mapipigilan ang panunuyot ng tubig sa mga dam dahil sa matinding init, pero ang totoong problema dito ay ang tuluyang pagtalikod ng estado sa tungkulin dapat nitong serbisyuhan ang mamamayan -- mula sa pangangalaga ng suplay, paghahanda at pagpaplano sa harap ng inaasahang tagtuyot, hanggang sa distribusyon at pagtitiyak na nakakarating ang tubig sa bawat bahayan -- at pagpasa ng trabahong ito sa pribadong sektor. Sabi nila noon, sa pribatisasyon ng tubig, makakaasa na ang taumbayan sa mas mabilis at malawakang serbisyo, habang bumababa ang singil. Titiyakin daw 'yan ng dikta ng merkado. Pero nasaan na tayo ngayon?
"Kung maaalala natin, ilang bilang sa aming mga maralitang-lungsod ang nasawi sa bagyong Ondoy, dala ng matinding pagbaha? Isa sa mga itinuturong dahilan dito ay ang mismanagement sa mga dam. Ngayon, sa kabaliktaran naman ng baha na matinding tagtuyot, ang problema ay may kaugnayan pa rin sa mga dam -- na kalakhan ay pribadong pinagmamay-arian, at nagsisilbi pangunahin sa interes ng mga may-ari na kumita.
"Baha man o tagtuyot, kaming mga maralitang-lungsod ang una at pinakamatinding tinatamaan. At dahil lamang 'yan sa hibang na pagtitiwala ng gubyerno sa pribadong sektor, para sa isang tungkulin na dapat siya ang gumagampan.
"Sa katunayan, marami sa aming mga maralita ay walang sariling koneksyon ng tubig, dahil hindi kayang magpakabit. Umiigib lamang sila sa mga may sariling suplay, na ninenegosyo din ang tubig. May ilan na riyan ang nagsasamantala na sa shortage at nagtataas na rin ng kanilang singil.
"Walang pinag-iba sa mga negosyante sa bigas at asukal, na sinasamantala ang diumano'y mga shortage para magtaas ng presyo, o kahit sa Big 3 na napakabilis magtaas ng presyo sa kaunting kibot lamang ng langis sa pandaigdigang merkado.
"Ang laging kawawa, kaming mga maralita. At iyan ay dahil sa pag-abandona sa amin ng gubyerno sa kamay ng merkado, sa halip ng tuwirang paglalaan sa amin ng serbisyo." ##
No comments:
Post a Comment