Translate

Wednesday, January 18, 2012

Grupo, nagbabala sa panghihimasok ng US sa impeachment case

PRESS RELEASE l 18 January 2012

Nagpahayag ng babala sa mamamayan ang grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay hinggil sa posibleng panghihimasok ng Estados Unidos sa pagusad ng impeachment case ni Chief Justice Renato Corona.

Diumano, isang matibay na ebidensya nito ang pag-amin ng World Bank, isang insititusyong kontrolado ng US, sa paglalabas ng report hinggil sa Judicial Reform Support Project (JSRP) kung saan nakita bangko ang ilang katiwalian sa paggastos ng pondo nito. Ang report na ito ay ginagamit din ngayon ng prosekusyon para idiin ang punong mahistrado.

"Hindi maikakailang pumusisyon na ang US sa kasagsagan ng bangayang pampulitika sa bansa," ayon kay Gloria Arellano, secretary-general ng Kadamay.

"Bagamat kami ay pabor sa pagpapatalsik kay Corona, mariin pa ring nanawagan ang Kadamay sa mamamayan na maging mas mapagbanatay sa panibago na namang kaso ng panghihimasok ng US sa mga internal na usapin ng Pilipinas," dagdag pa ng lider.

Ayon pa sa grupo, napapanahon ang pagsulpot ng JRSP report mula sa World Bank, na makalipas pa ang sampung taong implementasyon ng nasabing proyekto.

Dagdag pa ni Arellano, "Ang JRSP ay maari pang naging paraan ng US para maimpluwensyahan ang mga nagdaan at kasalukuyang Korte Suprema. Ngunit ngayong hindi na nakikita ng US ang pangangailangan kay Corona--na lantaran nang nakikipagbangayan sa ngayo'y pabarito nitong tao sa gubyerno--nagdesisyon ang US na kaagad i-leak sa publiko ang report na magdidiin kay Corona.

Imperyalistang interes

Ayon din sa Kadamay, napakahaba na ng listahan ng mga batas at patakaran ng Pilipinas na mga kontra-mamamayan at pumapabor lamang sa imperyalistang interes ng US.

Kabilang na diumano dito ang ilang mga sikat na kasunduan at batas gaya ng Mutual Defense Treaty Act, Anti-Terrorism Law, Oil Deregulation Law, Contractualization Law, CARPEr at napakarami pang iba na tila hindi ginagalaw ng gubyero at Korte Suprema sa kabila ng labis na pasakit na hatid nito sa mamamayan. "Nagpapakita lang ito diumano na malalim ng nakaugat ang impluwensya ng US sa bansa," hirit ni Arellano.

"Ang makasaysayan at mistulang makamamamayang desisyon ng Korte Suprema para muling ipamahagi ang lupain ng Hacienda Luisita sa mga magsasaka ay naghatid ng pangamba sa US, at sa pagpapatuloy ng mga imperyalistang interes nito sa bansa," ani Arellano.

"Ang pyudal na lipunan at atrasadong ekonomiyang nakabatay sa agrikultura ang salalayan ng pagsasamantala ng imperyalismong US sa sambayanang Pilipino, kaya't gagawin nito ang lahat para maapula ang isang posibleng mitsa ng pamamahagi ng mga lupain sa mga magsasaka sa buong bansa," banggit ni Arellano.

Paalala rin ng lider, "Kung nais natin patalsikin si Corona, gawin natin ito para sa interes ng mamamayan, at hindi bilang pagsunod lamang sa kagustuhan ng pwersang panlabas.

"Hindi talaga nanaisin ng US na lumala pa ang nagaganap na bangayan sa hanay ng mga naghaharing uri sa bansa. Maari itong maglikha ng isang kaguluhang hindi makakayang arestuhin ng US kahit para pa sa sarili nitong kapakinabagan." ###


Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay)
Militanteng Sentro ng Maralitang Lungsod sa Pilipinas
Reference: Gloria Arellano, Kadamay national secretary-general (09213927457)

No comments:

Post a Comment