Translate

Wednesday, January 18, 2012

Mga maralita, magmamartsa pa-Mendiola isang linggo matapos ang marahas na demolisyon sa San Juan

PRESS RELEASE l 18 January 2012

Isang linggo matapos ang marahas na demolisyon sa Brgy. Corazon de Jesus sa San Juan, pangungunahan ng mga residente ng North Triangle ang hanay ng mga maralita na magpoprotesta ngayong umaga, ganap na alas-10 ng umaga, patungong Mendiola.

Ayon sa Alyansa Kontra Demolisyon (AKD), ang grupong tumawag kay Pangulong Aquino na 'demolition king,' ang pagkilos ngayong umaga ay protesta sa diumano'y marahas na atake ng rehimeng US-Aquino sa kabahayan ng mga maralita.

Ani Carlito Badion, tagapagsalita ng grupo, kapansin-pansin na hindi kailanman nagbigay ng pahayag ang Malacanang kaugnay sa marahas na demolisyon sa San Juan. Diumano, "nangangahulugan lang ito ng pangungunsinte, kundi man direktang pakikipagsabwatan ni Aquino sa pamilya Ejercito."

"Manangot nang mahal sa taumbayan ang administrasyong Aquino sa ipinapatupad nitong malawakang demolisyon ng mga kabahayan ng maralitang lungsod sa buong bansa," dagdag ni Badion.

Kasama ng grupo ang Akap Bata Partylist at Gabriela na kinondena naman ang naging epekto ng naganap na demolisyon sa mga bata at kababaihan partikular sa Corazon de Jesus.

Ibasura ang UDHA!
Kikilos din ngayong araw ang iba't-ibang samahan ng mga maralita sa buong Metro Manila na kasapi ng AKD, para manawagan ng pagbasura sa batas na RA 7279 o Urban Development and Housing Act (UDHA) na diumano'y nasa likod ng bulok na programa ng gubyerno sa pabahay.

Mas kilala ang UDHA bilang 'Lina Law' na ipinasa noong Marso 24, 1992. Ayon kay Badion, 20 taon matapos maisabatas ang UDHA, sa halip na solusyunan ay higit pang lumala ang kalagayan sa paninirahan sa bansa.

Ayon sa datos ng HUDCC, sa kasalukuyan, aabot na sa 3,756,072 ang bilang ng pangangailangan sa housing units. Higit kalahating milyon dito ay para sa mga maralita na nasa NCR.

Kasabay ng pagpapatupad ng gubyerno ng mga programang pangkaunlaran sa ilalim ng Public-Private Partnership, mas dumalas at mas naging marahas ang pagpapalayas sa mga maralita sa kanilang mga komunidad.

Ani Badion, "nagiging legal at katanggap-tanggap ang pagtatapon sa mga maralita sa mga malalayong relokasyon dahil sa UDHA." Inaalisan din diumano nito ng karapatan ang mga maralita na makinabang sa planong "urban development" ng pamahalaan.

Indefinite moratorium on demolition, ipatupad!

Maliban sa pagsusulong sa HB 5443, isang panukalang batas sa Mababang Kapulungan na layong magbasura sa UDHA, mananawagan din ang grupo para sa "indefinite moratorium on demolition" sa buong bansa.

Gayundin, tinuran ni Badion na "hangga't hindi nalilikha ng gubyerno ang mga trabaho para sa higit 30 milyong maralitang lungsod sa bansa, at naipatutupad ang tunay na reporma sa lupa sa kanayunan, patuloy na magsisiksikan ang mga maralita sa maliit na espasyo sa lungsod, at higit pang titindi ang problema sa pabahay ng mamamayan." ###


ALYANSA KONTRA DEMOLISYON
Reference: Carlito Badion, AKD lead convenor (09393873736)

No comments:

Post a Comment