PRESS RELEASE
20 January 2012
Grupong Kadamay, hinamon si Corona na ibasura ang VFA sa pagitan ng US at Pilipinas
Hinamon ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) si Chief Justice Corona na ipawalang-bisa ang Visiting Forces Agreement (VFA) na nakabalangkas sa Mutual Defense Treaty sa pagitan ng Estados Unidos at ng Pilipinas.
Dalawang beses ng iniakyat sa Korte Supremo ang kaso ng pagsasawalang-bisa sa VFA simula ng lagdaan ito noong 1999 ng mga senador. Dalawang beses din itong ibinasura sa mataas na hukuman.
Ang pahayag ng grupo ay sa kabila ng tatlong-araw na pagbisita ni US Senator John McCain sa bansa para diumano'y mamagitan sa pag-aayos ng gulo sa West Philippine Sea, at ng patuloy na panggigipit sa punong mahistrado ng World Bank na kontrolado ng US.
"Napapanahon para kay Corona na ideklarang 'unconstitutional' ang VFA upang maipakita sa taumbayan na nagsisilbi siya sa interes nito," ani Gloria Arellano, secretary-general ng Kadamay .
Ayon pa kay Arellano , "Ang muling pagbisita sa bansa ng delegado mula sa US na ikatlong beses na sa loob ng isang taon, gayundin ang madalas na pagpunta ni Aquino sa US ay napapakita ng pagtindi ng interbensyson ng US sa pulitika ng bansa."
"Target diumano ng US na magkaroon ng mas malakas na impluwensya sa Asia-Pacific region, bilang isang paraan upang maisalba ang naghihingalo nitong ekonomiya, at kontrolin ang paglakas ng bansang Tsina," ayon kay Arellano.
Napipintong gyera sa West Philippine Sea
Nagbanta rin ang grupo kay Aquino na seryosohin ang posibilidad na maipit ang bansa kapag naglunsad ang US ng gyera laban sa Tsina sa West Philippine Sea, gamit ang isyu ng Spratly Islands.
Nagawa na diumano ng US na maipwesto ang lakas pandigma nito sa bansa, sa pamamagitan ng kunwaring pagpapalakas ng 'naval defense' ng Pilipinas, at pagbebenta ng mga naval cutters sa gubyerno.
"Naka-istasyon na ang mga barkong pandigma ng US sa South China Sea lulan ang mga sundalong Pinoy na kumukuha ng atas mula sa US military," ani Arellano.
Kinundena rin ng grupo ang mga nagaganap na 'joint military exercises' ng mga Kano at Pilipinong sundalo sa baybayin ng Palawan.
Panawagan kontra VFA at MDT
Nanawagan ang grupo sa mamamayan na pahigpitan ang laban ng pagbasura sa VFA, at sa Mutual Defense Treaty sa pagitan ng US at Pilipinas na nilagdaan pa noong 1951 at nagsasaad na magsusupurtahan ang dalawang bansa sakaling aatake ang sinumang panlabas na partido. "Liban sa pagyurak sa soberanya ng bansa, walang diumanong pakinabang at marami pang naitalang negatibong epekto ang mga nabanggit na kasunduan sa mga Pilipino," ayon kay Arellano.
Nanawagan naman ang Kadamay sa gubyerno na resolbahin ang gusot sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng mga bilateral talk sa mga bansang nagki-claim sa Spratly Islands, labas sa eksena ang Estados Unidos. ###
Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay)
Militant Center of Urban Poor in the Philippines
Reference: Gloria Arellano, national secretary-general (09213927457)
No comments:
Post a Comment