PRESS RELEASE
13 Pebrero 2012
"Doble-kara ang Malacanang sa pinakahuling panawagan nitong sumuko na ang 'Berdugo ng mga Militante' na si Ex-Gen Jovito Palparan, Jr."
Ito ang naging pahayag ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) matapos ang naging pagdukot ng mga elemento ng AFP at PNP sa dalawang lider ng grupo noong Martes, Pebrero 7.
Ayon sa grupo, hindi sinsero ang kasalukuyang Commander-in-Chief ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na si Pangulong Aquino na baguhin ang sinimulang gawi ni Palparan na pagdukot at pamamaslang sa mga militanteng aktibista.
Magpoprotesta ngayong umaga ang mga kasapi ng grupo sa Gate 2 ng Camp Aguinaldo, ang national headquarter ng AFP, para kondenahin ang naganap na pagdukot sa mga lider-maralita mula sa Timog Katagalugan. Nanawagan din ang mga militante na kaagad itigil na ng gubyernong Aquino ang pagpapatupad nito ng Oplan Bayanihan, na nasa balangkas ng Counter Insurgency Program ng Estados Unidos.
Bulok na sistema ng AFP
Ayon kay Gloria Arellano, national secretary-general ng Kadamay, nagpapatunay lang ang dinanas ng dalawang lider-maralita na sina Evelyn Legazpi at Pastora Latagan na walang nagbago sa bulok na sistema sa loob ng AFP.
"Sa kasalukuyang pamamalakad ng AFP at PNP, paano kami makakaasa na mabibigyang hustisya ng gubyernong Aquino ang mga naging biktima ng malalang paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng administrasyong Arroyo at ng Berdugong si Palparan?" tanong ni Arellano.
"Marami pa sa hanay ng militar at kapulisan ang naniniwala sa mga naging hakbang ng dating heneral sa pagsugpo sa insurhensya sa pamamagitan ng mga exta-judicial killing at abduction ng mga legal na aktibista, at pag-red tag kanila bilang mga kasapi ng New People's Army," ani Arellano.
Dagdag pa ng lider, "Hindi malayong ang mga panatiko ni Palparan sa loob ng gubyerno, maging ang nasa Malacanang, ang humahadlang na mahuli ang nagtatagong heneral."
Panatiko ni Palparan
Sa mga plakards na dadalhin ng mga magpipiket sa Camp Aguinaldo, tinukoy nila sa 202nd Infantry Brigade Commander Col. Aurelio Baladad bilang isa sa mga pantiko ni Palparan at nasa likod ng pinakahuling pagdukot sa mga lider-maralita. Si Baladad ang siya ring na nasa likod ng iligal na pag-aresto at pag-tourture sa 43 health-workers noong 2000, ayon sa Kadamay.
Nanawagan ang grupo kay Pangulong Aquino na kaagad palayain ang mga dinakip na aktibista. "Sa halip na ang mga tunay na kriminal ang kanilang tinutugis, iyong mga walang-sala at makabayan pa ang ngayon ay dinadala sa kulungan," ani Arellano.
Paniningil ng mamamayan
Ayon sa pahayag ng Kadamay, titiyakin umano nilang sasapitin ng pangulo ang paniningil ng mamamayan, lalo ng mga kaanak ng mga pinaslang at dinukot na mga aktbista, sa pagpapatupad nito sa Oplan Bayanihan, kagaya ng dinaranas ngayon ni Rep. Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa pagkupkop ng huli sa berdugong si Palparan.###
Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay)
Militanteng Sentro ng Maralitang Lungsod sa Pilipinas
Reference: Gloria Arellano, national secretary-general (0921.392.7457)
No comments:
Post a Comment