Translate

Wednesday, February 15, 2012

Panibagong transport strike, napapanahon na ayon sa grupong Kadamay

PRESS RELEASE
15 Pebrero 2012


"Napapanahon na para sa mga maralitang tsuper na maglunsad ng panibagong tigil-pasada o transport strike."

Ito ang pahayag ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay hinggil sa hindi tumitigil na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa lokal na merkado.

Dagdag pa ng grupo, dapat magkaisa na ang iba' ibang transport groups sapagkat sila ang pangunahing tinatamaan ng bawat sentimong pagtaas sa presyo ng langis.

Hinihikayat ng Kadamay na ulitin ng mga tsuper ang ginawa nilang tigil-pasada noong Setyembre 19, 2011 kung saan halos naparalisa ang trapiko sa buong bansa. Hinihimok din ng grupo na makiisa na ang lahat ng transport group sa bansa lalo na ang mga hindi lumahok sa nakaraang tigil-pasada dahil sa mga binitawang pangako ni Pangulong Aquino.

Sapat na panahon para kay Aquino
Ayon kay Francis Esponilla, isa sa tagapagsalita ng Kadamay, sapat na umano ang panahon na aabot sa limang buwan matapos ang naganap na diyalogo ng Pangulo sa mga transport group leaders noong Setyembre 14, 2011, para sa administrasyong Aquino na isagawa ang mga ipinangako nito sa taumbayan.

"PInapatunayan lang ng hindi mapigil na OPH na walang plano si Noynoy na ipatigil ang pagkaganid sa tubo ng mga dayuhang kumpanya ng langis, at imbestigahan ang overpricing scheme ng kartel," ani Esponilla.

OPH matapos ang diyalogo
Ayon sa tala ng Kadamay, halos labintatlong beses nagtas ang diesel at gasoline sa lokal na pamilihan, matapos ang naganap na diyalogo sa Malacanang noong Setyembre. At simula naman ng maging presidente si Aquino, P13.69 na ang itinaas ng presyo ng diesel kada litro sa lokal na pamilihan, samantalang P13.93 naman ang itinaas ng presyo ng gasolina kada litro.

"Walang signipikanteng natupad sa mga ipinangako ni Aquino gaya ng pag-'review' sa batas na Oil Deregulation Law, gaya ng pagreview sa mga ODL at pag-imbestiga sa overpricing scheme ng mga dayuhang kumpanya, na bilyon ang kinikita mula sa bulsa ng taumbayan," dagdag ni Francis.

Ngayong umaga ay mamahagi ng polyeto at mangangalap ng pirma laban sa oil price hikes (OPH) ang mga kasapi ng Kadamay mula sa mga drayber at pasahero sa BATODA Terminal sa Batasan, Quezon City.

Hindi lang jeeney driver
"Hindi lang dapat jeepney driver ang lalahok sa isang tigil-pasada kundi pati na rin ang mga maliliit na namamasada," dagdag ni Esponilla. "Sa bawat pisong pagtaas ng presyo ng langis, halos P210 ang nababawas sa pang-araw-araw na kita ng mga tsuper."

Ayon din kay Esponilla, "Ramdam na ramdam na ngayon ng ordinaryong mamamayan ang hirap na epekto ng OPH. Sa bawat pagtaas ng presyo ng langis, sumisirit din ang presyo ng mga pangunahing bilihin gaya ng pagkain kaya't narapat lamang na sumuporta ang buong sambayanan sa mga tigil-pasada at protestang bayan laban sa OPH.

Magsasabit din ang mga militante ng mga banderitas na may nakasulat na mensahe para sa mga kongresista ipatupad ang House Bill 4317 ni Anakpawis Rep Rafeal Mariano, at HB 4355 ni Bayan Muna Rep. Teddy Casino, mga panukalang batas na naglalayong ipabasura ang Oil Deregulation Law. Ilalagay nila ang mga flaglet sa mga tricycle na ang ruta ay dumaraan sa labas ng Batasan Complex.

Nanawagan din ang Kadamay na kagyat na isuspindi ng pamahalaan ang koleksyon ng E-VAT sa langis para kahit paano'y maibsan ang pasanin ng mga konsumer sa tumataas na presyo.###


Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay)
Militanteng Sentro ng Maralitang Lungsod sa Pilipinas
Reference: Francis Esponilla, tagapagsalita ng Kadamay, 0946.735.0082

No comments:

Post a Comment