Translate

Saturday, February 18, 2012

Maralita at kawani sa paligid ng VMMC, naghahanda na para palayasin si CGMA sa Veterans

PRESS RELEASE
Feb 18, 2012


Naghahanda na para sa malalaking pagkilos ang mga maralita at kawani sa paligid ng VMMC upang mapalayas sa Veterans sa lalong madaling panahon ang ngayo’y naka-hospital arrest na si Cong. Gloria Macapagal-Arroyo (CGMA).

Kinondena nila ang pinakahuling desisyon na inilabas ni Pasay Regional Trial Court Judge Jesus Mupas pabor sa pagpapalawig sa pananatili ni CGMA sa nasabing ospital.

“Mas nagiging malinaw sa taumbayan ang sabwatan sa pagitan ni Arroyo at Aquino sa pagtatanggol na ginawa ng Malacanang sa naging desisyon ng Pasay RTC,” ayon sa CONTRACBD, isang grupo ng mga kawani at maralitang matatamaan ng proyektong Quezon City Central Business District (QCCBD).

Ayon kay Estrelieta Bagasbas, lider ng September 23 Movement, isang lokal alyansa ng mga maralita sa North Triangle, magsasagawa sila ng petition signing at mga regular na protesta sa labas ng VMMC upang palayasin ang dating presidente sa nasabing ospital.

“Ipaparamdam namin kay Arroyo kung paano niya kami trinato bilang mga mamamayang mawawalan ng tirahan at trabaho para sa QCCBD,” dagdag ni Bagasbas.

Noong 2007, ipinasa ng noo'y pangulo ng bansa na si Arroyo ang Executive Orders 620 (Rationalizing and speeding up the development of the East and North Triangles, and the Veterans Memorial Area of Quezon City, as a well-planned, integrated and environmentally balanced mixed-use development model). Sinundan ito ni Arroyo ng EO 620-A para higit pang palakasin ang nauna ng kautusan.

Ayon kay Bagasabas, ang mga order na ito ang nagdulot ng patung-patong na kalbaryo sa mga maralita at mga kawaning nagtatrabaho at nakatira sa North at East Triangle. Kabilang na umano ang maraming mawawalan ng trabaho sa mismong VMMC.

“Ngayon ay baligtad na ang kalagayan. Titiyakin namin na ang aming sama-samang pagkilos kasama ang iba ang hanay ng mamamayan ang magdudulot sa agarang pagpapalayas kay Arroyo mula sa VMMC, at maglalagak sa kanya sa kulungan kung saan siya nararapat,” ani Bagasbas.###


Reference: Estrelieta 'Ka Inday' Bagasbas, CONTRACBD Spokesperson, September 23 Movement Chairperson (0912.649.0392)
Concerned Organizations Opposed to Transfer, Lay-off, Privatization and Demolition due to Quezon City Central Business District (CONTRACBD)
September 23 Movement - Alyansa Kontra Demolisyon

No comments:

Post a Comment