Translate

Wednesday, March 14, 2012

Grupong Kadamay nananawagan sa mga motorista, commuter sa EDSA na magsakripisyo ng 5 minuto laban sa OPH

PRESS RELEASE
Marso 14, 2012

Nananawagan ang grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa libu-libong motorista at pasahero sa EDSA na sumuporta sa gagawin nilang panghaharang sa EDSA ng limang minuto sa Marso 15 laban sa walang humpay sa pagtaas ng presyo ng langis at pakikipagsabwatan ng administrasyong Aquino sa kartel ng langis.

Plano ng Kadamay na palahukin ang daan-daang maralita ng North Triangle at karatig nitong komunidad para sa gaganaping panghaharang sa EDSA sa Huwebes sa ganap na alas-6 ng gabi na inaasahang pansamantalang makaantala sa byahe ng libu-libong motorista at commuter sa EDSA.

Ngayong hapon ay magsasagawa ang mga residente ng North Triangle ng pag-iingay sa tabi ng EDSA upang bigyang-abiso ang mga motorista at pasahero para planong panghaharang na gaganapin bukas. Bahagi rin ito ng serye ng isang linggong protesta ng mga komunidad sa Metro Manila tuwing alas-6 ng gabi bago ang malaking protestang bayan sa Marso 15.

“Humihingi kami ng limang minuto sa byahe ng ating mga kababayan para iparating kay Noynoy ang ating malakas na pagtutol sa proteksyong binibigay nito sa mga higanteng kumpanya ng langis, kapalit ng paghihirap ng milyun-milyong Pilipino,” ani Gloria Arellano, Kadamay national secretary-general.

“Kinakailangan ang ating sama-samang pagkilos para paluhurin ang administasyong Aquino na tuta ng imperyalistang kartel ng langis,” dagdag ni Arellano.

Tumataas na presyo ng pamasahe at pangunahing billihin

Sinisi ng militanteng grupo sa walang humpay na pagtaas ng langis sa walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin lalo na ang pagkain.

“Napakahalaga ng bawat sentimo sa isang maralitang lungsod. Habang walang ginagawa ang gubyerno hinggil sa OPH, wala ring magawa ang mga maralita sa harap ng pagtaas ng presyo ng pamasahe at ng mga pangunahing bilihin,” pahayag ng grupo.

“Wala ring karapatan si Aquino na iabsuwelto ang kanyang sarili sa lumalalang kagutuman at kahirapan sa bansa,” dagdag ng grupo.

Pangungunahan ng Kadamay kasama ang iba pang militanteng grupo ang isang malaking protestang bayan sa Marso 15 laban sa pagtaas ng presyo ng langis at overpricing ng oil cartel.

Pagkilos laban sa kartel ng langis

Ayon pa sa Kadamay, “Dapat gawing halimbawa ng mga Pilipino ang mamamayan ng Nigeria na naitulak ang kanilang gubyerno na kontrolin ang pagtaas ng presyo ng langis. Noong Enero ay naglunsad ng malalaking kilos-protesta ang mga Nigerians laban sa plano ng Nigerian government ang subsidy nito sa presyo ng produktong petrolyo.

“Upang tanggalan ng kapangyarihan ang kartel ng langis na magkamal ng tubo sa mamamayan, kailangang isabansa ang industriya ng langis—isang planong malayo sa hinagap ng administrasyong Aquino,” ayon kay Arellano.

“Habang nanatiling nakapako ang sahod ng mga manggagawa, at napakataas ng tantos ng kawalang trabaho, ramdam na ramdam ng mamamayan ang bigat na hatid ng OPH. Kailangang kumilos na ngayon ang bawat Pilipino,” panawagan ng grupo. ###

Reference: Gloria Arellano, Kadamay national secretary-general, 0921.392.7457

No comments:

Post a Comment