Translate

Thursday, January 31, 2013

Grupong Kadamay, dinipensahan ang pagkukuyog ng mga raliyista sa ilang kapulisan sa protesta sa NAPC


Higit pa sa naganap ngayong araw sa loob ng compound ng National Anti-Poverty Commission ang malalasap ng kapulisan sa pagtatanggol nila sa mga tiwali at kurakot sa gubyerno at mga negosyante.

Ito ang pahayag ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa naganap na pagkuyog ng mga militante at mga magsasaka sa protestang isinagawa nila ngayong umaga laban sa planong pagkuha ng NAPC sa pangunguna si Akbayan ex-President Joel Rocamora sa P11.7 bilyon mula sa Coco Levy Fund.

Ayon sa tagapagsalita ng grupo na si Carlito Badion, hindi lang ito ang matitikman ng mga kapulisang lumalabag sa mga patakaran kaugnay sa wastong pangangasiwa ng mga kilos-protesta ng mga raliyista.

Bawal ang baril sa mga protesta

"Hindi maikakaila ang ginawang paglabag ng kapulisan sa pagdadala nila ng mahahabang armas na ayon sa Comission on Human Rights (CHR) ay numbero unong ipinagbabawal sa Philippine National Police (PNP) sa kanilang pangangasiwa ng mga kilos-protesta," ani Badion.

Hinamon ng Kadamay si Chairman Etta Rosales ng CHR na sampahan ng kaso si Superintendent Pedro Sanchez ng Presinto Dos at iba pang pinuno ng Quezon City Police District sapagkat kuhang-kuha umano ng mga kamera ng media ang pagdadala ng armalayt ng mga elemento ng PNP. 

Ayon sa grupo, ito ang nagtulak sa mga raliyista na kuyugin ang mga kapulisan kabilang na si Superintendent Sanchez. Tanging mga baston at mga shield lang umano ang maaring dalhin ng mga pulis sa pagharap sa mga raliyista.

Inaasahan ng grupo ang isang patas na resulta mula sa agarang imbestigasyon na ipinangako ng CHR Chair Rosales na isa ring dating lider ng grupong Akbayan. 

Pangugunsinte ng DILG

Kinondena rin ng grupo si Secretary Mar Roxas ng Department of Local and Interior Government (DILG) sa pagsasawalang kibo nito sa makailang beses ng paglabag ng kapulisan sa pagdadala ng armas sa mga protesta ng maralita, kabilang na sa mga barikada laban sa demolisyon na humahantong pa umano sa ilang kaso pamamaril at pagpatay sa ilang mga militante.

"Hindi makakalimutan ng mga maralita ang ginawang pagbaril at pagpatay kay Arnel Leonor ng Silverio Compound, Paranaque City at John Cali Llagrimas ng San Roque, Tarlac City sa mga barikadang bayan ng maralita laban sa demolisyon. Mga kunwaring imbestigasyon lamang ang nagawa ng DILG at hanggang ngayon ay wala pa ring napapanagot mula sa hanay ng kapulisan," ani Badion.  

Ayon sa Kadamay, ito umano ang dahilan ng paulit-ulit na paglabag ng kapulisan sa mga patakaran kaugnay sa pagkontrol sa mga protesta ng mga militanteng grupo. ###

Reference: Carlito Badion, Kadamay national secretary-general, 0939.387.3736

1 comment:

  1. This comment has been removed by a blog administrator.

    ReplyDelete