Walang pinagkaiba umano si Donald "Don" Trump, Jr sa mga dayuhang negosyanteng pilit nililigawan ni Pangulong Aquino upang mag-invest sa Pilipinas, ayon sa grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay.
Kinondena ng marami ang mensahe sa Twitter ng anak ng bilyonaryong si Donald Trump kaugnay sa planong pagkatay sa barkong pandigma ng US Navy na sumadsad sa Tubbataha Reef.
Hindi lang umano ang kalaban ng kalikasan na si Don Trump, Jr ang dapat pagbuhusan ng galit ng ating mga kababayan, ayon sa Kadamay.
"Ang kadusta-dustang mentalidad ni Trump, Jr ay walang ipinagkaiba sa pag-iisip ng mga dayuhang negosyanteng hinihikayat at pinahihintulutan ng administrasyong Aquino na magmay-ari ng mga logging at mining companies sa bansa, at nagdudulot hindi lang ng pagkawasak sa ating likas na yaman kundi pati ng buhay ng libu-libo nating kababayan," ani Gloria Arellano, pambansang tagapangulo ng Kadamay.
Mula sa kanyang pagdalo sa katatapos lamang na World Economic Forum sa Davos, Switzerland, ipinagmalaki ni Aquino ang inaasahang pagbugso ng mga dayuhang investor na mangangapital sa bansa.
Ayon kay Arellano, dapat umanong pigilan ng mamamayan ang ginagawang panghihikayat ni Pangulong Aquino sa mga negosyanteng tulad ni Trump, Jr sa kabila ng kawalang pakundangan ng mga ito sa ating kalikasan.
Salarin ng mga trahedya
Ayon sa grupong Kadamay, ang mga naganap na trahedya sa Mindanao sa pagragasa ng Bagyong Pablo at Sendong ay dahil sa mga operasyon ng mga dayuhang kompanya sa kabundukan ng isla, at sa pagkandili sa mga ito ng administrasyong Aquino.
"Labing anim na logging permit ang inaprubahan ni Aquno para sa mga dayuhang kompanya sa ilalim ng Integrated Forest Management Agreements (IFMA). Kabilang na dito ang Matuguina Integrated Wood Products Inc, Picop Resources Inc at La Fortuna Mahogany Inc. na mga kumpanayang sumasaklaw sa 82,443 ektarya sa Baganga, Cateel, Caraga at Manay sa Davao Oriental. Ang mga lugar na ito pinakamatinding naapektuhan ng Bagyong Pablo," ani Arellano.
Naglabas din si Aquino ng Executive Order 79 na higit pang nagpatibay sa operasyon ng mga dayuhang pagmimina sa bansa at nagpatindi sa epekto ng Mining Act of 1995, dagdag ng lider.
Nagpahayag ang grupo na sa darating na mga araw ay maglulunsad sila ng mga militanteng protesta laban sa pagpasok at pananatili ng mga dayuhang kompanya sa bansa, at upang mapanagot ang administrasyong Aquino sa pagkandili nito sa mga dayuhang negosyanteng tulad ni Don Trump Jr. ###
Reference: Gloria Arellano, Kadamay national chair, 0921.392.7457
No comments:
Post a Comment