Translate

Friday, January 4, 2013

Grupong Kadamay, nanawagan kay VP Binay na imbestigahan ang bentahan ng lupa ng NKTI


Kasama ang alyansang CONTRACBD, nanawagan ang grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay kay VP Jejomar Binay na imbestigahan ang 'maanomalyang pagbebenta' ng National Housing Authority sa SM Development Corp (SMDC) ng 1.63-ektaryang lupain sa loob ng National Kidney and Transplant Institute Compound. Ito ay bilang bahagi ng kampanya kontra-korapsyon sa sektor ng pabahay ng administrasyong Aquino.

Ang CONTRACBD o Concerned Organizations Opposed to Transfer, Lay-Off, Privatization and Demolition due to Quezon City Central Business District ay binubuo ng mga maralita at kawaning apektado ng QCCBD.

Nauna nang ipinahayag ng mga opisyales ng NHA at ng NKTI na pansamantala munang itinigil ng ahensya sa pabahay ang pagbibigay ng Notice of Award sa SMDC na siyang nanalo kamakailan sa isinagawang bidding para sa lupa. 

Ang NHA ay saklaw ng Housing and Urban Development Coordinating Council na pinamumunuan ni Binay. 

Noong nakaraang linggo, nanawagan ang bise-presidente na ititigil nito ang korapsyon sa sektor ng pabahay upang matiyak ang mahusay na pagbibigay ng serbisyo-publiko ng mga Key Shelter Agencies kabilang na ang NHA.

Ayon sa Kadamay, ang pag-imbestiga sa 'panibagong anomalya' na kinakasangkutan ngayon ng NHA at SMDC ay isang mainam na pagkakataon upang ipakita ng bise-presidente ang sinsiridad nito laban sa korapsyon.

'Isa rin itong pagkakataon upang mailantad ang talamak na pagpapatakbo sa NHA bilang isang 'korporasyon' ng mga ahente ng kapitalista sa ilalim ng administrasyong Aquino," ani Carlito Badion, national secretary-general ng Kadamay. 

Pananahimik ni Speaker Belmonte, binira

Habang pinuri ng Kadamay ang pagsasampa ni Rep. Erico Aumentado (2nd District, Bohol) ng House Resolution 2930 upang imbestigahan ng House Committee on Government Enterprises and Privatization ang naganap na bentahan ng lupa, binira naman nito ang katahimikan ni House Speaker Sonny Belmonte. Si Belmonte ang kongresista ng 4th District ng QC na siyang sumasaklaw sa lupain ng NKTI Complex.

Kinondena rin ng grupo ang pagtanggi ng NHA at ng QC LGU (kahit noon pang panahon ni Belmonte) sa matagal ng panawagan ng mga residente ng North at East Triangle para sa onsite development program, o paglalaan ng kapirasong lupa sa loob ng North at East Triangle upang tayuan ng socialized housing.

"Mabuti pa ang SMDC, may karapatan sa lupa sa Quezon City, habang ang mga maralitang lungsod na dapat ay binibigyang prayoridad ng gubyerno ay itinatapon sa mga malalayong relocation site," hirit ni Badion na nagsabing isang high-rise condominium umano ang planong itayo ng SMDC sa nasabing lupa.

Ang QCCBD na nilikha ng Executive Order 620 at 620-A ni dating Pangulong Arroyo noong 2008 ay magpapalayas sa aabot sa 20,000 maralitang pamilya mula sa North at East Triangle, ayon sa CONTRACBD.

Sa kabila ng pagtutol ng mga residente, higit sa 7,000 pamilya na ayon sa NHA ang nai-relocate ng gubyerno patungong Rodriguez (Montalban), Rizal at San Jose Del Monte, Bulacan. ###

Reference: Carlito Badion, Kadamay national secretary-general, 0939.387.3736

No comments:

Post a Comment