Kasabay ng ikatlong linggo ng sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis, nanawagan ang grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) sa mga tumatakbong Senador at mga partylist groups na tumindig para sa pagbasura ng Oil Deregulation Law (ODL) na siya umanong nasa likod ng walang patid na pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Gloria Arellano, Kadamay national chair, inutil ang administrasyong Aquino sa pagpapabasura sa ODL, at sa pagpapanagot sa mga dayuhang kartel na nasa likod ng overpricing ng langis.
Donasyon ng mga kartel ng langis sa mga tumatakbong Senador, PLs
Naniniwala ang Kadamay na malaki ang mga donasyong ibinibigay ng mga kartel ng langis sa campaign fund ng mga tumatakbong Senador at maging ng ilang partylist group. Ito umano ang magtitiyak na muling makikitil ang anumang tangka ng mga progresibong mambabatas na ibasura ang ODL sa darating ng ika-16 na Kongreso.
"Kaya't hinahamon namin ang mga tumatakbong senador at parylist groups na magsalita laban sa Oil Deregulation Law, at mangako sa pagbasura kapag sila ay nanalo?" ani Arellano.
Dapat din umanong maging sukatan ng mga botante sa pagpili ng mga ibobotong Senador at parylist group ang naging posisyon nila laban sa ODL sa nakaraang Kongreso.
Iilan lang umano sa mga tumatakbong Senador ang gumawa ng mga hakbangin laban sa pagtaas ng presyo ng langis tulad ni Senator Antonio Trillanes IV na nagmungkahe ng paglalagay ng ceiling sa presyo ng langis sa bansa, at si Representative Teddy Casino na naghain sa Mababang Kapulungan ng House Bills 4355 and 4317 na layong magbasura ng ODL.
Neoliberal na patakaran
Patuloy naman ang panawagan ng Kadamay sa administrasyong Aquino na agarang ipatigil ang mga patakaran sa ekonomiya na dikta ng neoliberal na globalisasyon tulad ng deregulasyon sa langis at pribatisasyon ng mga serbisyo.
"Mayor ang papel ng pagsasabansa ng industriya ng langis upang maiahon ang milyun-milyong Pilipino sa kahirapan," ani Arellano.
Reference: Gloria Arellano, Kadamay national chair, 0921.392.7457
No comments:
Post a Comment