Translate

Saturday, February 9, 2013

Trabaho, hindi CCT ang kailangan ng maralita--Kadamay


Ito ang tumampaok na panawagan ng mga maralitang lungsod kay Pangulong Noynoy Aquino sa isang public debate na isinagawa ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay ngayong umaga kasama mga opisyales ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Inilunsad ng Kadamay ang nasabing pagtitipon sa isang komunidad ng maralita sa Dona Nicasia Compound, Barangay COmmonwealth sa Quezon CIty, na ngayon ay nahaharap sa banta ng demolisyon. 

Pinagdiskusyunan sa nasabing aktibidad kung umahon nga ba sa kahirapan ang mga maralitang Pilipino sa loob ng limang taong programa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) o CCT na pangunahing kontra-kahirapang programa ng administrasyonh Aquino. 

Dumalo sa nasabing debate si Officer-In-Charge DSWD NCR Assistant Regional Director Jacel Paguio kasama ang ilang mga opisyales ng DSWD National Office na nagtitiyak ng implementasyon ng CCT sa buong bansa.

Paunang binanggit ng Kadamay ang resulta ng pinakahuling survey na isinagawa ng Social Weather Station sa huling kung saan nadagdagan ng aabot sa 1.4 milyong pamilya ang bilang ng mga pamilyang nagsabing sila ay mahirap mula sa bilang na 9.5 milyon noong Agosto. 54% ng populasyon ng bansa o katumbas ng 10.9 milyong pamilyang Pilipino ang ngayon ay nagsabing sila ay mahirap. 

Ayon sa SWS, ang mga tantos ng kahirapan at kagutuman sa huling bahagi ng taong 2012 kung kailan aabot na sa 3 milyong pamilya ang benepisyaryo ng CCT na siyang pinakamarami sa kasaysayan ng programa, ay mas mataas pa sa mga average na tantos ng kahirapan at kagutuman sa huling 14 na taon.

Binanggit ng Kadamay na ang tuluy-tuloy na atake ng administrasyong Aquino sa kabuhayan at karapatan ng mga maralitang-lungsod ang isa sa mga pangunahing nagpapalala sa kahirapang dinaranas ng maralita. Kabilang na umano dito ang mga demolisyon at pagtatapon sa mga maralita patungo sa mga relokasyon na walang kabuhayan, pagtalikod ng gubyerno sa mga serbisyong panlipunan gaya ng pagsasapribado ng mga paggamutan, tumataas na presyo ng mga bilihin dahil sa liberalisasyon sa lokal merkado at deregulasyon ng langis, at higit sa lahat ang malawak na kawalang trabaho.  

"Mula 2007 hanggang sa kasalukuyan, aabot na sa P120 bilyong piso ang ginagastos ng gubyerno para sa CCT, ngunit wala pa rin tayong nakikitang malinaw na pag-unlad sa kalagayan ng mga maralita," ani Carlito Badion, lider ng Kadamay.

"Dapat ginamit na lang ng gubyerno ang ganito kalaking pondo sa paglinang ng mga industriya na lilikha ng trabaho para sa milyun-milyong maralitang lungsod ng walang sapat na pinagkakakitaan," dagdag pa ni Badion.

Ikinagalak naman ni DSWD Director Pagiuo ang isinagawang pampublikong debate kasama ang mga maralitang lungsod. Naghayag din ang opisyales ng paglahok sa mga susunod pang pampublikong debateng ilulunsad ng Kadamay kaugnay ng CCT.

Target ng DSWD na abutin ang 3.5 milyong benepisyaryo ng CCT ngayong taong 2013.  ###

Reference: Carlito Badion, Kadamay national sec-gen, 0939.387.3736

No comments:

Post a Comment