Translate

Tuesday, February 26, 2013

Mga biktima ng Habagat sa Montalban relocation site, nakatakdang magprotesta sa opisina ng HUDCC sa Makati


Katulad ng mga biktima ng Bagyong Pablo, maglulunsad ng protesta ang aabot sa 141 pamilyang kabilang sa mga biktima ng Habagat noong nakaraang taon mula sa Phase I-K2 Southville 8C Resettlement Project sa Montalban, Rizal bukas, Miyerkules.

Plano nilang magtungo sa opisina ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) sa Makati City upang iparating ang kanilang kahilingan sa gubyernong Aquino.

Ang mga nasabing maralitang ay kasapi ng Kadamay-Anakpawis Habagat Chapter na nalubog sa delubyong hatid ng hanging Habagat noong Agosto 2012 at napilitang mag-okupa ng mga bakanteng unit sa mas ligtas na lugar sa loob ng relokasyon.

Ayon kay Marlin Palconit, lider ng grupo, nakahanda silang barikadahan ang tarangkahan ng HUDCC kung hindi nito ibibigay ang kanilang kahilingang mga green card ma magbibigay awtoridad sa mga relocatee na manatili sa mga inokupang unit upang hindi na sila muling paalisin ng mga tauhan ng National Housing Authority sa relokasyon.

Dagdag pa ng lider, "Sa halip na palayasin kami sa mga housing unit sa Block 23 at 24 sa Phase I-K2 kung saan ligtas kami sakaling maulit ang malaking pagbaha sa relokasyon, dapat ay tinitiyak ng HUDCC na hindi na muling maulit ang kaparehas na trahedyang halos kumitil sa higit 3,000 pamilyang nakatira sa relokasyon sa Montalban."

"Wala na kaming makain sa relokasyon, gusto pa kaming palayasin ng gubyerno sa aming mga bagong tahanan matapos kaming mapangakuan nito ng maayos na buhay dito sa relokasyon," ani Palconit. ### 

Reference: Marlin Palconit, Kadamay-Anakpawis Habagat, 0921.381.8107

No comments:

Post a Comment